INANUNSIYO ng pamahalaang lungsod ng Maynila na dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 bunga nang nakalipas na holidays, dalawang ospital na pinatatakbo ng lungsod ang pansamantalang isinara sa publiko.
Kasabay din nito inihayag ng city government na bawal nang pumasok sa lahat ng malls sa Maynila ang adults at minors na hindi bakunado.
Nabatid na nagsagawa ng emergency meeting ang mga opisyal pamahalaang lungsod ng Maynila kabilang si Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan upang pag-usapan ang mga hakbang na gagawin upang mahadlangan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Iniulat na ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) na pinamumunuan ni Dr. Ted Martin at ang Justice Abad Santos General Hospital (JASGH) sa ilalim ni Dr. Merle Sacdalan ay pansamantalang isinara dahil sa mataas na bilang ng kaso ng pasyenteng may COVID-19 na nakapanghawa rin sa maraming kawani ng ospital.
Sa ulat ni Martin, ang GABMMC ay nagsara ng emergency admissions na tatagal ng tatlong araw habang sinabi naman ni Sacdalan na ang JASGH ay nagsara rin dakong alas-8 ng gabi nitong Enero 1.
Ang mga nasabing ospital ay nananatiling sarado habang sinusulat balitang ito. Ang GABMMC ay nagsisilbi sa mga residente ng unang distrito ng Tondo samantalang ang JASGH ay nagsisilbi sa ikatlong distrito ng Maynila.
Samantala ay may 20,000 tablets o 500 botelya ng life-saving COVID drug na Molnupiravir ang dumating sa Manila City Hall nitong Lunes bilang paghahanda kung sakaling patuloy na tumaas ang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19.
Nabatid na hanggang kahapon, may 41 percent ng kabuuang bed capacity ng anim na pinatatakbong ospital ng Maynila ang kasalukuyang okupado na.
Samantala sa Manila COVID-19 Field Hospital, 93 percent o 321 ng may kabuuan 344 na kama ay okupado na rin habang ang quarantine facilities ay may 5 percent na occupancy rate. VERLIN RUIZ