INIHAIN ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang isang panukalang batas na magkaroon ng nursing complex ang mga matatanda sa lahat ng lokal na pamahalaan sa buong bansa upang maibsan ang dusang dinaranas sa pagkalinga sa kanila.
Ani Revilla, ang mga Filipino ay likas na mapag-aruga sa mga matatandang kaanak kaya napapanahon na ang panukalang ito upang seryosong matugunan ang pangangailangan ng mga mahihirap nating matatanda.
Idinagdag pa nito, kailangang siguraduhin ng pamahalaan ang kalagayan ng mga matatanda sa bansa, partikular sa mga marginalized sector ng ating bansa.
Nais ni Revilla na mabigyan ng 24-oras na pagkalinga ang mga matatanda mula sa mga propesyunal na nagbibigay ng serbisyong medikal sa isang lugar na may maayos na pasilidad na magsisilbi nilang “ikalawang tahanan.”
Layon ng nasabing panukala na sa sandaling pumasa ay makapagtatag ng isang institusyon na popondohan ng pamahalaan para suportahan ang mga matatanda.
Siniguro ng senador na ang mabebenipisyuhan nito ay ang mga senior citizen na may edad 60 pataas na matapos magpatala sa nasabing nursing complex ay aalagaan sila ng mga sinanay na tauhan ng DOH at DSWD. VICKY CERVALES
Comments are closed.