NURSING STUDENT PATAY SA SUNOG

PATAY ang isang nursing student makaraang ma-trap sa nasusunog nilang bahay kahapon ng umaga sa Miyerkules sa Malabon Ciy.

Ayon sa report kasalukuyang natutulog ang biktimang kinilala lamang sa alyas “Nyanza” 20, working student ng Our Lady of Fatima University sa ikalawang palapag ng kanilang tirahan sa A. Bonifacio St., Brgy. Tugatog nang sumiklab ang sunog dakong alas-7:06 ng umaga.

Sa pahayag ng tiyuhin ng biktima na si Candido Manalang, may-ari ng nasunog na bahay na nalaman na lang niya sa pamangkin nito na nagliliyab ang nakabukas nilang bentilador matapos magtatakbong lumabas ng bahay ang bata.

May hinala naman ang Malabon Bureau of Fire Protection (BFP) na pagkakalanghap ng makapal na usok ang ikinasawi ng dalaga na mahimbing ang pagkakatulog nang sumiklab ang sunog.

Ayon kay Malabon BFP F/Insp. Michael Jacinto, nagawa nilang makontrol ang sunog na umabot ng ikalawang alarma dakong alas-7:57 hanggang tuluyang maapula ng alas-8:12 ng umaga.

Pitong bahay ang tinupok ng apoy at siyam na pamilya ang naapektuhan na kasalukuyang nanunuluyan pansamantala sa covered court ng Barangay Tugatog.

Hindi pa batid ng Malabon BFP ang halaga ng ari-ariang natupok sa sunog.
EVELYN GARCIA