NUTRISYON AT PROTEKSIYON

SABONG NGAYON

ANG bilis ng pagtubo ng balahibo sa naglulugon na manok ay nakasalalay sa tamang pagkain at pag-aalaga.

Ayon kay Doc Marvin Rocafort ng El Campeon Conditioning Camp, kinakailangan na balansiyado ang pagkain ng ating mga alagang manok, hindi sa dami ng inihahalo na sangkap.

“Basahin po palagi ‘yung label na nasa likod ng sako, nakalagay na kung ano ang nilalaman eh bakit mo pa hahaluan ng iba. Ginawa na ng animal nutritionist kaya balansiyado na at dumaan na sa quality control kaya nga available sa market,” ani Doc Marvin.

Aniya, ang edad ng manok ay may pagkakaiba rin kung pag­lulugon o molting ang pag-uusapan.

“Ang bata na manok 2 years old kalimitan mas mabilis matapos kaya December ay sariwa na puwede  nang ilaban pero pagdating ng January maingat po, nandiyan na lahat ng 3-4 years old at multi-winners kaya para sa akin ay argabiyado na ang batang manok,” ani Doc Marvin.

“Cock derby 2 years old onwards ang labanan eh bakit ka maglalaban ng stag o bullstag tapos maninisi ka kapag natalo. Tulong na po natin sa manok ang ilamang mo siya sa laki, kung hackfight, kung derby parehas ang timbang kaya unahan na lang,” dagdag pa niya.

Mahalaga rin umano na malaman natin ang tamang paghawak sa manok para hindi masira ang kanilang buntot kung saan hahawakan mo muna sa tali saka sasaluhin sa ilalim ng katawan.

“Kapag ‘yan pong stage na ‘yan ay nabunutan ng buntot o pakpak, sigurado dudugo na magiging dahilan para permanently ay hindi na mapalitan ng panibagong buntot or pakpak,” ani Doc Marvin.

“Kung tumubo man ay barinahan/pilipit na ang sibol at ayaw ko na po niyan,  may kulang ang buntot o pakpak pero hindi ko siya  aalisin dahil sigurado hindi naman siya baog. Kapag ako po ay nakakita ng hinihila ang buntot, hindi ako basta nagagalit pero diyan po ako inis na inis at ako ay hinahapo kasi napakasakit po noon sa manok para mo na siyang binunutan ng buntot,” dagdag pa ng beterinaryo.

Comments are closed.