NUTRITIOUS CUPCAKES, SWAK NA PAMBAON SA KIDS

NUTRITIOUS CUPCAKES

(Ni CYRILL QUILO)

MARAMI ang nagsulputang iba’t ibang cupcakes o muffin sa buong mundo. Iba’t ibang flavor at style na talaga namang maganda sa paningin. Pero may kanya-kanya tayong taste o panlasa. Lalo na ang mga batang pihikan at mahirap pakainin.

Madalas ay napagagalitan natin ang a­ting mga anak dahil sa pagiging pihikan nila. Ngunit ang dahilan naman niyon ay ang matinding pagmamahal natin sa kanila. Nais natin silang pakainin ng masusustansiyang pagkain lalo na ngayong pasukan. Mas higit ang oras na nasa eskuwelahan sila kaysa sa nasa ating tahanan.

May mga magulang na nagtatrabaho at minsan ay hindi na nila namo-monitor ang kinakain ng kanilang anak.

Heto na parents, huwag kayong masyadong mag-alala dahil may recipe tayong si­guradong magugustuhan ng inyong chikiting at hindi nila mama-malayan na may prutas na masustansiya itong sangkap—ang SAGING.

Alam naman natin kung gaano kasustansiya ang saging. Nagtataglay ito ng vitamin A, B, C, calcium, iron at potassium.

Mayroon din itong tryptophan na tumutulong upang sumaya tayo’t gumanda ang a­ting pakiramdam. Kaya sa mga nakadarama ng stress, mainam kahiligan ang saging.

Nakatutulong din ito sa digestive health dahil sa taglay nitong fiber na pectin at resistant starch. Ang pectin ang siyang pumoprotekta sa ating tiyan mula sa colon cancer samantalang ang resistant starch naman ang nagsisilbing pagkain ng good bacteria sa ating tiyan.

Ilan lamang ang mga nabanggit sa benepisyo ng saging. Bukod sa puwede itong kainin at baunin, swak na swak din itong isama sa iba’t ibang lutu-in, gaya na lang ng cupcakes o muffins.

Hindi rin ito masakit sa bulsa at higit sa lahat madaling gawin. Puwede rin itong lutuin kahit sa oven toaster kung wala kayong available na oven.

Narito ang simpleng paggawa ng BANANA CHOCO CHIP MUFFIN

MGA SANGKAP:

2 tasa ng flour

2 pirasong itlog

3-4 over ripe bananas

3/4 tasang sugar

1/2 butter (room temperature only)

1/2  (choco chip)

1 kutsaritang vanilla

1 kutsaritang asin

1 kutsaritang baking soda

1 kutsaritang baking powder

20 ml milk

PARAAN NG PAG­LULUTO:

Duruging mabuti ang saging. Piliin ang sobrang hinog para mas maging malasa ang gagawing cupcakes o muffin.

Sa isang bowl ay pagsama-samahin ang mga sangkap gaya ng flour, baking powder, baking soda at asin. Haluing mabuti at itabi na munang panan-dali.

Sa isa pang bowl, gamit ang spatula ay pagsamahin naman ang butter at sugar. Pagkatapos ay idagdag na rin ang vanilla at gatas. Haluin.

Ilagay na rin ang itlog ng paisa-isa. Gumamit ng wire whisk sa paghahalo.

Isama na rin ang saging, gayundin ang flour. Haluin. Huwag sosobrahan ang paghahalo. Kapag nasobrahan ang pa-ghahalo ay hindi ito masyadong aalsa.

Kapag nahalo na, ilagay na ang mixture sa baking tray at samahan na rin ng choco chips. Ginagamit itong pandekora-syon para ma-attract o ganahan ang batang kumain. Painitin ang oven sa 180 degrees Celsius at lutuin ito sa loob ng 10 hanggang 15 minuto. Makalipas ang 15 minuto, puwede na itong ihanda sa mga tsikiting.

Swak na swak din itong pambaon, sa eskuwelahan man o sa opisina.

Kaya’t mga mommy, ano pang hinihintay ninyo, subukan na ang paggawa ng Banana Choco Chip Muffin.

Siguradong mapapakain ang mga tsikiting, gayundin ang buong pamilya.

Kaysa nga naman ang bumili ng pambaon o pang merienda, bakit hindi na lang subukan ang magluto o mag-bake.

Masisiguro mo pang masarap ang ihahanda sa buong pamilya at healthy.