(NWRB sa consumers) MAGTIPID SA TUBIG

DAPAT tipirin ang suplay ng tubig mula sa Angat Dam upang masiguro na sapat ang dami nito para sa tag-init sa 2024, ayon sa National Water Resources Board (NWRB).

Sa pagtaya ng Philippine Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA), ang El Nino phenomenon ay tatama sa bansa sa huling bahagi ng taon hanggang 2024.

Mangangahulugan ito na maaaring mabawasan ang alokasyon ng tubig ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at ng concessionaires nito na Maynilad at Manila Water sa Hulyo at mga susunod na buwan.

Ayon kay NWRB Executive Director Dr. Sevillo David, sa huling pagkakataon ay pinayagan ng board ang extension ng 52 cubic meters per second allocation mula Hunyo 16 hanggang 30, 2023.

Sa pagtaya ng NWRB, kapag hindi dumating ang inaasahang mga pag-ulan sa Angat at Ipo reservoirs, maaaring magkaroon ng water interruption sa 630,000 customers ng Maynilad mula gabi hanggang umaga.

Dahil dito ay nanawagan ang MWSS sa mga consumer na magtipid sa tubig at kung posible ay mangolekta ng tubig-ulan, para mabawasan ang pagdepende at pagkonsumo mula sa concessionaires.