NAG-IIPON ng tubig ang mga residente ng Tondo, Manila para magamit sa kanilang sambahayan. Nag-abiso ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na maaring bawasan ang water pressure ng mga concessionaires sa Metro Manila dahil sa patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa epekto ng El Niño. Kuha ni NORMAN ARAGA
NANAWAGAN si National Water Resources Board (NWRB) OIC Executive Director Atty. Ricky Arzadon sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig.
Ito’y sa gitna ng patuloy na pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam na nagsusuplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig probinsya dahil sa matinding epekto ng El Niño.
“We are airing on the side of precaution. Sinasabi nga po natin na kailangan natin mag-conserve ng tubig sa ngayon. Nakikita po natin walang ulan napakalakas ng El Niño. So tinitingnan po naming mabuti at talagang ipi-present na namin sa board na dapat ma-approve ‘yan sa mas mababang allocation,” sabi ni Arzadon.
Mula 240 meters noong Enero ay nasa 201.1 meters na lamang ang water level noong Lunes. Mas mababa ito sa 212 meters na normal water level.
Sa kabila nito, napagdesisyunan na ipako sa 50 cubic meters per second ang water allocation sa Metro Manila sa unang dalawang linggo ng Abril. Posible pa umanong babaan ang water allocation ng dam sa 48 cms.
Ayon kay Parick James Dizon, division manager ng Angat-Ipo at operations manager ng Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS), posibleng magdulot ng water service interruptions ang pagbabawas ng water allocation.
“One of the impact would be, there would be some areas po sa Maynilad na magkakaroon po ng less than 12 hours na interrupions. But it will be limited lamang po during night time,” sabi ni Dizon.
Ang MWSS ang namamahala sa water concessionaires na Maynilad at Manila Water.
Gagawa rin, aniya, ng system adjustment ang Maynilad at Manila Water tulad ng pagbabawas ng water pressure sa mga linya ng tubig pero ang epekto ng mas mababang water allocation ay nakadepende pa rin, aniya, sa demand.
“Ang iniiwasan po kasi natin ay ang bumagsak ang ating limitation hanggang 100 meters or lower. Pagdating po kasi ng 100 meters ay talaga pong minimum na lang ang maibibigay ng Angat sa irrigation,” sabi pa niya.
Sa selebrasyon ng World Water Day ngayong linggo, ibinida ng Environment Department at ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagtatayo ng rain harvesting facilities na sumasahod ng tubig-ulan.
“Para puwede nating i-recyle ang water resources natin, paggamit pa para sa ibang pamamaraan a hindi ito masayang,” sabi ni Belmonte.
Sa ngayon ay nasa 119 na ang rain harvesting facility sa mga paaralan sa Quezon City.
Kamakailan ay sinabi ni Arzadon na ang mga deep wells ay nakaabang sa iba’t ibang panig ng Pilipinas bilang huling paraan upang matugunan ang kakulangan sa tubig ngayong El Nino.
Ang NWRB ay isang attached agency ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia