PUMALO si Joana Maraguinot ng Nxled laban sa mga manlalaro ng Capital1 sa PVL All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena. Kuha ni RUDY ESPERAS
Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Chery Tiggo vs Galeries Tower
6 p.m. – PLDT vs Creamline
UMISKOR si Camille Victoria ng 17 points at nalusutan ng Nxled ang matikas na pakikihamok ng Capital1 sa third set upang maitakas ang 25-13, 25-23, 25-22 panalo sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena.
“’Yung ipinakita namin sa last set is more on puso. Kumapit kami sa isa’t isa,” sabi ni Ivy Lacsina, na gumawa ng 12 points para sa Chameleons.
Naiposte ng Nxled ang ika-4 na panalo sa 10 laro upang makatabla ang Akari sa seventh spot.
May pagkakataon ang Solar Spikers, na nahulog sa 1-9 overall, na ma-extend ang laro
makaraang lumamang ng hanggang 9 points, 11-2, subalit nagpakita ang Chameleons ng disipalina upang makabawi at makumpleto ang straight-set romp.
Bukod sa pagkamada ng 14-of-28 kills, napantayan din ni Victoria ang 3 blocks ni Krich Macaslang kung saan nakakolekta ang Nxled ng 9 sa kabuuan.
“Lycha Ebon had some issues, so we used Camille Victoria as an opposite hitter, and she received POG honors. We might make that choice again against PetroGazz,” wika ni coach Taka Minowa.
Nag-ambag si Jho Maraguinot ng 8 points at 7 digs habang gumawa si setter Kamille Cal ng 11 excellent sets para sa Chameleons.
Kumana si Des Clemente ng match-best four service aces upang tumapos na may 10 points habang nagpakawala si Jorelle Singh ng 8 kills para sa Capital1. Naitala ni Shirley Salamagos ang apat sa pitong blocks ng Solar Spikers.