O, ELEKSIYON KAPAG MABABA SA SURVEY, HAHAMAKIN ANG LAHAT MANALO KA LAMANG

“O PAG-IBIG, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.”

Ito ay isang bantog na linya sa obrang tula ng isang batikang manunulat na si Francisco Baltazar o mas kilala bilang Francisco Balagtas ng Florante at Laura.

Naisip ko lamang itong linya ng isang dakila nating manunulat dahil tila ang mga kasalukuyang nangyayaring galaw ng mga ibang taga-suporta ni VP Leni ay hawig ngunit taliwas sa diwa ng obra ni Balagtas. Ginagawa ng mga lider ni VP Leni ang lahat ng paraan upang lumakas ang pag-asa ng kanilang manok na manalo sa nalalapit na eleksiyon. Wala nang isang buwan ang nalalabi bago ibigay ang Hatol ng Bayan.

Ang isang mainit na isyu ngayon ay ang paghihikayat ng mga political operator ng kampo ni Leni na paatrasin ang mga ibang kumakandidato sa pagka-pangulo sa hangad na lilipat ang mga supporter nila kay Leni.

Inamin ito ni presidential candidate at Sen. Ping Lacson sa isang punong balitaan kamakailan. Inihayag niya na may lumapit sa kanya noong nangangapanya sila sa Pampanga.

Idiniin ni Lacson na sinabi nitong political operator ni VP Leni sa kanya na kaya nilang paatrasin ang kanilang vice presidential candidate na si Sen. Kiko Pangilinan at ipalit si Senate President Tito Sotto kung aatras daw si Lacson.

Nabigla raw si Lacson sa alok na ito at agarang tinanggihan niya ito.

“Anong klaseng offer iyan? Ilalaglag ninyo ang kasama ninyo para lang mananalo ang principal ninyo?” ang giit ni Lacson sa nasabing political operator ni Leni. Ganoon din daw ang balita niya sa kampo ng mga kilalang kumakandidato sa pagka-presidente tulad nina Sen. Manny Pacquiao at Manila Mayor Isko Moreno.

Kaya nga biglang pumasok sa aking isipan ang kilalang linya ng “Florante at Laura”. Gagawin nila ang lahat, kasama na ang paglunok ng kanilang prinsipyo manalo lamang sa eleksiyon na ito at matalo nila ang nangunguna sa survey na si Bongbong Marcos.

Ito talaga ang kalunos-lunos at nakaka-awang sitwasyon ng politika sa ating bayan. Wala nang prinsipyo ng mga political parties. Ang akala ng mga ibang ‘political strategist’ na ang pagpapalit ng kumbinasyon sa tandem ng presidential at vice presidential candidates habang papalapit na ang eleksiyon ay maaaring mag-iba ang resulta ng boto ng mga Pilipino.

Medyo hawig din ito sa kampo ng Liberal Party noong 2016 Presidential elections kung saan si Mar Roxas ang kanilang kandidato. Paiba-iba ang lamangan ng survey sa unang bahagi ng kampanya.

Subalit, ilang linggo na lang bago ang eleksiyon, nakita ng kampo ni Roxas na mukhang mas lumalakas ang tsansa ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na manalo base sa mga lumalabas sa survey.

Kaya naman nagbigay ng public announcement para sa isa pang presidential candidate na si Grace Poe kung maaaring umatras ang magsanib ng puwersa kay Roxas upang talunin nila si Duterte. Hindi pumayag si Poe at alam naman nating lahat kung sino ang nanalo.

Ang sabi nga ni Lacson sa nasabing alok sa kanya upang umatras sa kanyang kandidatura ay “Arrogance has no place in a decent society”.

Hahamakin ang lahat, manalo ka lamang…