NAPAKARAMING nadidiskubreng lutuin sa panahon ngayon. Sa kahiligan nga naman nating kumain, marami ang hindi nakokontento sa mga pagkaing kinasanayan at gumagawa ng paraan upang makapag-eksperimento at makapag-imbento ng iba’t ibang lutuing bukod sa swak sa lasa ay swak na swak pa sa bulsa.
Maabilidad nga naman kasi ang bawat Filipino. Kahit na kakarampot lang ang kinikita ay nakapaghahanda pa rin ito ng masarap para sa pamilya. At ang ginagawa nila ay ang pag-iisip ng mga putaheng mura lang ngunit winner naman sa lasa.
Kunsabagay, hindi nga naman kailangang mahal ang ihahanda natin sa ating pamilya nang matuwa sila’t mabusog. May mga simple rin namang putahe o dessert na maaari nating subukan na kayang-kaya lang sa bulsa.
Ngunit bukod sa pagiging masarap ng isang lutuin at pasok sa budget, napakahalaga ring iniisip nating healthy ang ating inihahanda para sa sarili at pamilya.
At isa ang oatmeal sa talaga namang napakaraming benepisyong naidudulot sa katawan. Napakadali lamang din nitong lutuin.
Marami nga naman sa atin ang napakahilig sa oatmeal at iba pang klaseng whole grains. Kung tutuusin, napakaraming kagandahang naidudulot nito sa katawan. At kabilang nga sa benepisyo nito ay ang pagiging busog sa mahabang panahon o sa mas matagal na oras. Kaya sa umaga pa lang, swak nang kahiligan ang oatmeal.
Mataas din ang taglay na fiber at iron ng oatmeal. Bukod pa roon, isa rin ito sa pagkaing mainam kahiligan ng kahit na sino dahil sa taglay nitong antioxidants, nakapagpapa-improve rin ito ng blood sugar, nakapagpapababa ng timbang at nakatutulong upang maibsan ang constipation.
Hindi lamang din ito kinakain dahil mainam din itong gamiting pampaganda. May ilang produktong pampaganda na ang pangunahing sangkap ay oatmeal. Swak din itong gawing mask.
Whole grain food ang oats na kilala sa scientific name na Avena sativa. Kadalasang kinakain ito sa agahan. Ginagamit din ito sa muffin, granola bars, cookies at ang gagawin natin ngayon—ang oatmeal pancakes.
Laging nagmamadali ang marami sa umaga. Kaya’t ang nagiging epekto nito ay hindi sila nakapagluluto ng almusal.
Agahan pa naman ang pinaka-importanteng meal sa buong araw.
At kung hirap kang magluto ng matagal, mainam subukan ang Oatmeal Pancakes.
Napakarami nga namang puwedeng gawing pancake, mula sa saging hanggang sa oatmeal. Kaya naman, sa mga gustong subukan ang Oatmeal Pancakes, ang mga kakailanganin nating sangkap ay ang mga sumusunod:
1-1/4 tasa ng all-purpose flour
1/2 oatmeal
2 teaspoons baking powder
1/4 teaspoon ng asin
1-1/4 na tasa ng fat-free milk
1 piraso ng itlog
1 kutsara ng vegetable oil o butter
Vanilla extract
PARAAN NG PAGLULUTO:
Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Matapos na maihanda ay kumuha ng isang may kalakihang bowl saka pagsamahin doon ang flour, oats, baking powder at asin.
Sa isa namang lalagyan, pagsamahin naman ang milk, itlog, oil o butter at saka haluin ding mabuti.
Kapag nahalo na itong mabuti ay isama na ang flour-oats-baking powder-salt mixture. Lagyan din ng kaunting vanilla extract at haluin.
Kapag handa na ang mixture, magsalang na ng lutuan at painitin ito. Pahiran ng oil o butter nang hindi dumikit ang mixture.
Pagkatapos ay maglagay na ng katamtamang dami ng batter sa kawali. Kapag naluto na ang isang side, baliktarin ito nang maluto naman ang kabilang side.
Ulit-ulitin lang ang nasabing procedure hanggang sa maluto ang lahat ng batter.
Bago ihanda o pagsaluhan ng pamilya, maaari itong lagyan ng pancake syrup.
Puwede rin namang samahan ng ilang prutas gaya ng apple, strawberry at banana.
Swak din ditong ilagay ang honey o kaya naman, peanut butter.
Simpleng-simple lang ang paggawa ng Oatmeal Pancake kaya’t paniguradong maihahanda mo ito sa iyong pamilya. Bukod sa masarap na, swak din ito sa bulsa.
Kaya’t ano pang hinihintay ninyo, subukan na ang Oatmeal Pancake nang malasap ang kakaibang sarap nito.
Comments are closed.