PINAIGTING ni EJ Obiena ang kanyang paghahanda para sa 2024 Paris Olympics makaraang magwagi ng ginto sa USATF Los Angeles Grand Prix Linggo ng umaga (Manila time) sa Drake Stadium sa Los Angeles.
Dinomina ng 28-year-old pole vault ace ang torneo makaraang lundagin ang 5.80 meter-mark upang makumpleto ang isa na namang tagumpay, ilang buwan na lamang bago ang kanyang ikalawang sunod na pagsabak sa Summer Games.
“It’s good. I think this is my first win on US soil so it’s very good. Definitely unexpected. I just wanted to make bars. I’m feeling a little bit under the weather today but sunny LA. Good stuff,” sabi ni Obiena
Tinalo ni Obiena si Simen Guttormsen ng Norway, na nagtala ng 5.70m, habang tumapos sina hometown bets KC Lightfoot at Christopher Nilsen, kapwa familiar foes sa Filipino bet, sa ikatlo at ika-4 na puwesto na may magkatulad na 5.70m marka.
Ito ang pinakabagong golden run para kay Obiena ngayong taon matapos pagharian ang Memorial Josip Gasparac sa Croatia at ang ISTAF Indoor Tournament sa Berlin kapwa noong Pebrero.
Samantala, tumapos si Filipina-American Olympic hopeful Lauren Hoffman sa ika-5 puwesto sa women’s 400m hurdles sa kaparehong torneo makaraang tapusin ang karera sa 55.84 seconds.
Nanguna si Anna Cockrell ng USA sa event na may 53.75 seconds, kasunod sina Andrenette Knight ng Jamaica at isa pang American Cassandra Tate sa oras na 54.69 at 55.02 seconds, ayon sa pagkakasunod.