ISA NA namang matinding hamon ang haharapin ni Tokyo Olympic-bound Ernest John Obiena matapos na matagumpay na maidepensa ang korona sa pole vault sa katatapos na 30th Southeast Asian Games sa pagsabak sa World Indoor Athletics sa Marso sa Hanzhou, China.
Kasalukuyang nagsasanay si Obiena sa Italy sa masusing gabay ng kanyang Ukraine long- time personal coach na si Vitaly Petrov para paghandaan ang prestihiyosong torneo na tinaguriang ‘The Olympic Games of Athletics’ sa ilalim ng pangangasiwa ng International Athletics Federation (IAAF).
Mahigit 100 bansa ang lalahok sa nasabing torneo na may basbas ng IAAF at pinamumunuan ni dating Olympic Games long distance champion Sebastian Coe ng Great Britain.
“The event indeed is the toughest ever he will face in his career. He has to train hard because he is ranged against top pole vaulters in the world,” sabi ni Emerson Obiena, ama ni Ernest.
Sinabi ng matandang Obiena na lalahok pa ang kanyang anak sa ibang torneo bago ang Olympic Games para mahasa nang husto at lumawak ang karanasan.
“Family kami ng pole vaulters. Ako at ang kapatid ko kapwa kami naglaro ng pole vault,” wika ng matandang Obiena, consistent medalist sa SEA Games noong naglalaro pa siya.
Matapos ang torneo sa China ay babalik ang 24-anyos na si Obiena sa Italy sa lalawigan ng Fornia para ipagpatuloy ang kanyang training bilang paghahanda sa 2020 Tokyo Olympics sa suporta ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
Si Obiena ay kabilang sa priority athletes ng PSC, kasama sina fellow Olympic-bound Carlos Edriel Yulo, Brazil Olympic weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz at Filipino-Japanese judoka Kiyomi Watanabe.
Kamakailan ay pinarangalan ni PATAFA president Philip E. Juico ang mga atleta bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan sa SEA Games kung saan nanalo ang athletics ng 11-8-8 total medals at nagtala ng tatlong bagong meet record sa kabayanihan nina Filipino-Americans Krisrtina Knott, Natalie Uy at Brazil Olympian Eric Shawn Cray.
Gumawa si Knott ng bagong record sa 200m, si Uy sa pole vault at si Cray sa 4x100m mixed relays.
Hawak ni Obiena ang personal best 5.81 meters na ginawa niya sa Olympic qualifying at nahigitan ang 5.80 meters qualifying mark. Nanalo rin si Obiena sa Thailand Open at Chinese Taipei Invitational at naglaro sa World University Games. CLYDE MARIANO
Comments are closed.