OBIENA PSA ATHLETE OF THE YEAR

NAGDIWANG si EJ Obiena makaraang magwagi ng gold sa Asian Games.

HINDI matatawaran ang pamamayagpag ni EJ Obiena sa katatapos na taon.

Tunay na impresibo ang kredensiyal ng 28-year-old Tondo-born pole vaulter sa loob ng 12 buwan, tampok ang pagwawagi niya ng golds sa tatlong major international tournaments sa record-breaking fashion.

Muli siyang gumawa ng kasaysayan sa World Athletics Championships, naging unang Pinoy na napabilang sa  ultra-elite 6.00-meter club ng pole vault, at pagkatapos ay winakasan ang taon sa pagtatapos bilang no. 2 ranked athlete sa kanyang field.

Si Obiena rin ang unang nakakuha ng puwesto sa  2024 Paris Olympics – ang unang Filipino na nakagawa nito  – kasunod ng silver-medal finish sa isang torneo sa Sweden, isang araw pa lamang makaraang simulan ang qualifiers para sa Olympiad sa susunod na taon.

Ang kanyang mga tagumpay ay tunay na mahirap balewalain lalo na sa taon na maraming ‘firsts’ ang naitala sa kasaysayan ng sports sa Pilipinas.

Dahil dito, si Obiena ay napiling sole recipient ng Athlete of the Year honor sa darating na San Miguel Corporation (SMC)-PSA Awards Night.

Kinonsidera rin ang Gilas Pilipinas na tinapos ang 61 taong kabiguan sa pagsikwat ng basketball gold sa Asian Games, ang Filipinas national team na nagtala ng historic win sa kanilang FIFA Women’s World Cup debut, at ang tambalan nina Margarita ‘Meggie’ Ochoa at Annie Ramirez na nagwagi ng double gold para sa  jiu-jitsu sa Hangzhou Asiad, para sa prestihiyosong parangal.

Subalit nakuha ni Obiena ang boto ng mayorya ng pinakamatagal na media organization sa bansa na binubuo ng print at online sportswriters na pinamumunuan ng presidente nito na si Nelson Beltran, sports editor ng The Philippine STAR.

Si Obiena, anak nina track and field athletes Emerson at Jeanette Uy, ang unang track athlete na gagawaran ng prestihiyosong parangal matapos ni long jumper Marestella Torres noong 2009.

Naging undisputed pole vault king si Obiena sa Asia noong 2023. Nagtala si  Obiena ng bagong records sa Cambodia Southeast Asian Games (5.65 meters), Asian Athletics Championships (5.91 meters) sa Thailand, at ang huli, sa Hangzhou Asian Games (5.90 meters) tungo sa pagkumpleto sa  sweep sa lahat ng tatlong gold medals.

Pagkatapos ay naging unang Filipino pole vaulter si Obiena na nanalo ng silver medal sa World Athletics Championship sa Budapest. Na-clear niya ang 6.0 meters sa isa pang  podium finish kasunod ng kanyang breakthrough bronze medal sa 2022 edition sa Oregon.

Nauna rito ay napabilang si Obiena sa ultra-elite 6.00-meter club ng pole vault at nagwagi ng gold sa Sparebanken Vest Bergen Jump Challenge sa Norway, upang maging una at tanging Asian athlete na nakagawa nito. achieve Sa pagitan nito, nag-qualify din siya sa 2024 ParisOlympics nang ma-clear ang bar sa 5.82 meters sa Diamond League-Bauhaus Galan sa Sweden at nagwagi sa iba pang torneo sa season.

Sa pagtatapos ng 2023, si Obiena ay umakyat mula no. 6 sa world’s second best pole vaulter sa likod ni Armand ‘Mondo’ Duplantis.