OBIENA SASABAK SA 4 NA TORNEO NGAYONG HUNYO

Sea games

MAKARAANG mai­depensa ang kanyang Southeast Asian Games title noong nakaraang buwan, si Filipino pole vault star EJ Obiena ay sasabak sa apat na International tournaments ngayong buwan.

Ayon kay Obiena, lalahok siya sa tatlong legs ng 2022 Diamond League season at sa Täby Stavhoppsgala sa Taby, Sweden sa Hunyo 28.

Ang 26-year-old Filipino pole vault pride ay sasabak sa Bislett Games sa Oslo, Norway sa Hunyo 16, sa Meeting De Paris in Paris, France sa Hunyo 18, at sa BAUHAUS-galan tournament sa Stockholm, Sweden sa Hunyo 30.

Ang naturang mga torneo ay inaasahang gagamitin ni Obiena sa kanyang paghahanda para sa 2022 World Athletics Championships na nakatakda sa susunod na buwan sa Eugene, Oregon.

Si Obiena ay nagtala ng bagong SEA Games men’s pole vault record, kung saan na-clear niya ang 5.46 meters upang kunin ang kanyang ikalawang sunod na gold medal sa biennial meet.

Dinomina rin ng Olympian ang European City of Sports event sa L’Aquila, Italy noong Mayo 31, kung saan lumundag siya ng 5.85 meters sa harap ng Basilica di Santa Maria di Collemaggio.

Tangan din ni Obiena, na naka-base sa Italy para sa kanyang training camp, ang Asian pole vault record sa 5.93 meters.