Obiena silver sa World Athletics Championships

NAKOPO ni Filipino Olympian at pole vaulter EJ Obiena ang silver medal sa World Athletics Championships sa Budapest noong Sabado matapos ang isa pang six-meter clearance.

Nakamit ni Obiena ang tagumpay matapos ang dalawang attempts sa naturang level.

Napantayan nito ang kanyang personal best at ang Asian record na kanyang naitala noong June sa Bergen Jump Challenge sa Norway.

Tinangka ni Obiena na ma-clear ang 6.05 at 6.10 meters subalit bigo siyang magawa ito.

Inangkin ni Armand Duplantis ang gold medal sa 6.10 meters na nagbigay sa kanya ng ikalawang sunod na world title. Nagsalo naman sina Kurtis Marschall ng Australia at American Christopher Nilsen sa bronze medal sa 5.95 meters.

Sa 2022 edition ng world championships ay nagwagi si Obiena ng bronze medal sa 5.94 meters.

Si Obiena ang unang Pinoy na nag-qualify sa 2024 Paris Olympics makaraang matugunan ang entry standard 5.80 meters sa BAUHAUS-Galan leg ng Diamond League sa Stockholm, Sweden kung saan na-clear niya ang 5.82 meters.

CLYDE MARIANO