LUMAPIT si EJ Obiena ng ilang lundag sa pinakaasam na medalya makaraang umusad sa finals ng men’s pole vault event sa 2024 Paris Olympics nitong Sabado sa Stade de France.
Hindi naging maganda ang simula ni Obiena makaraang mag-skip sa opening height sa 5.40 meters. Nabigo ang 28-anyos na Filipino vaulter na ma-clear ang kanyang unang lundag sa 5.60 meters matapos ang dalawang pagtatangka na naglagay sa kanya sa bingit ng maagang pagkakasibak.
Pagkatapos ay nagpasya siyang mag-skip sa dapat na maging third at final jump sa 5.60m mark at dumiretso sa sumunod na mark.
Nasa kanyang panig ang momentum, agad na na-clear ng multi-titled vaulter ang 5.70 meters at 5.75 meters sa unang pagtatangka lamang.
Babalik ang Filipino pole vault ace sa aksiyon sa medal round sa Martes, ala-1 ng umaga (Philippine time).