OBISPO: MAY COVID-19, HUWAG PANDIRIHAN

Bishop Broderick Pabillo

HINIKAYAT ng isang obispo ng Simbahang Katolika ang publiko na huwag pandirihan ang mga taong may sakit na coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Manila Archdiocese Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, sa halip na pandirihan ay dapat na tulungan pa nga at alagaan ang mga sakit, gaya ng habilin ni Hesus.

“Hindi dapat pandidiri, dapat tulungan natin sila. Sinabi naman ni Hesus, ‘I was sick and you take care of me,'” ayon pa kay Pabillo, matapos niyang pangunahan ang banal na misa para sa Linggo ng Pagkabuhay, sa Manila Cathedral, kamakalawa.

“Lalo na itong sickness na nakakahawa pero dapat nagpapakita tayo ng pagmamahal, na handa nating tulungan na kahit ito’y magbigay din sa atin ng sakit, basta lang nag-iingat tayo. So dapat natin tulungan ang nangangailangan, huwag natin sila talikdan,” dagdag pa ng obispo.

Kasabay nito, nanawagan din naman siya sa publiko na huwag mawalan ng pag-asa sa hamon ng COVID-19.

Panawagan pa niya sa mga Katoliko na lalo pang palakasin ang pananampalataya sa Panginoon.

“Kailangan natin kumapit sa talagang makakapitan natin at walang iba kundi ang Panginoon,” aniya.  “Sa lahat ng mga may kakayahan, tulungan natin ‘yong mga taong nawalan ng pag-asa,”

Sa kabilang dako, nanawagan din si Pabillo sa pamahalaan na maglabas ng tunay na numero ng mga apektado ng COVID-19.

Aniya, kailangang malaman ito ng mga mamamayan dahil hindi aniya makapagpaplano ang lahat kung hindi natin alam ang tunay na datos. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.