ILANG tiwaling indibidwal ang nagsasamantala sa kalamidad sa Batanes upang makapanloko at magkapera, sa pamamagitan ng paghingi ng mga donasyong salapi gamit ang pangalan ni Batanes Bishop Danilo Ulep sa social media.
Ikinadismaya naman ito ni Ulep at iginiit na ito’y impostor lamang.
Nilinaw rin ng obispo na iisang bank account lamang ang pinapayagan para sa mga nais mag-donate ng salapi para sa biktima ng lindol.
Nagpapaalala ang Obispo sa mga mamamayan na suriing mabuti ang bawat humihingi ng tulong lalo sa social media upang makaiwas sa panloloko.
“Gusto ko lang po malaman na nag-iisang bank account lang po ang ino-authorized ko doon sa gustong tumulong sa aming mga kababayan na nasalanta ng lindol ‘yun po ay sa account namin sa Landbank and there’s no other,” giit pa niya, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Aniya, ang mga nais magbigay ng tulong pinansiyal para sa mga mamamayan sa Batanes ay maaring magdeposito sa bank account ng prelatura sa Landbank (Basco Batanes Branch) na may account name na ‘Prelature of Batanes’ at account number na 1081-0502-08.
Hiling pa ng obispo sa mga taong magdedeposito na kung maaari ay ipadala ang kopya ng deposit slip sa email address na [email protected] upang mabigyan ng opisyal na resibo mula sa prelatura at matiyak na makararating ang mga tulong sa kapakinabangan ng mga residente ng Itbayat.
Nagpasalamat din naman siya sa mga nagpapatuloy ng kanilang pananalangin para sa mga biktima ng trahedya at gayundin sa mga nagbigay ng tulong.
“I am very thankful that good number of people, generous kind-hearted people who are willing to help; in fairness to government there’s an augmentation team helping out,” aniya. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.