OBISPO UMAPELA NG MAS MARAMING KAPASIDAD SA SIMBAHAN

Broderick Pabillo

NANANAWAGAN  si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, na siya ring Apostolic Administrator ng Archdiocese of Manila, sa pamahalaan na mabigyan din ng mas maraming kapasidad ang kanilang mga simbahan ngayong nasa ilalim nang muli ng mas maluwag na general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila.

Ang panawagan ni Pabillo ay matapos na sabihin ng pamahalaan na magpapatupad sila ng 10-person capacity para sa mass gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.

Ayon kay Pabillo, kung ang mga business enterprises ay bibigyan ng pamahalaan ng mas maraming kapasidad, dapat din nilang gawin ito sa mga simbahan.

Aniya, hamak na mas malaki naman ang mga simbahan kumpara sa mga restaurant, na pinapayagang magpapasok ng mga tao na 30% ng kanilang kapasidad.

“Sana lang ang hinihiling namin kung bibigyan nila ang mga business enterprises ng mas maraming kapasidad, dapat ang simbahan ganun din,” ani Pabillo, sa panayam sa radyo.

“Parang ‘di naman tama na bibigyan mo ng 30 percent ang mga restaurant, tapos sa simbahan 10 tao lang. Mas malaki naman yung simbahan kesa sa restaurant. Parang ‘di logical,” aniya pa.

Tiniyak naman ni Pabillo na nakasuot ng mga face mask at mga face shield ang mga parishioners sa buong panahon na nasa loob sila ng simbahan.

Bukod dito, nagsasagawa rin ang mga simbahan ng mga kaukulang pag-iingat upang matiyak na hindi magkakaroon ng hawahan ng virus sa mga tahanan ng Panginoon.

Sa kabila naman nito, tiniyak ni Pabillo na tatalima sila sa mga panuntunang itinatakda ng mga pahalaan para maiwasan ang mga hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.