OBRA MULA SA ABO NG BULKANG TAAL

Obra sa abo

HINDI nga naman mapipigil ang isang artist sa pagdiskubre ng kakaibang obra. Gayundin ang paggamit ng iba’t ibang bagay na makapagbibigay sa kanya ng natatanging ambag sa lipunan o bansa. Pagbibigay-buhay sa kanyang lilikhaing obra. Kagaya na lang ng isang guro sa Mathematics sa High school na kalaunan ay na­ging pro­pesyon na ang pagpipinta—si Janina Sanico.

Bata pa lamang si Janina Sanico ay nahilig na siya sa pagpipinta. Ipinanganak ito sa Pasig ngunit lumaki sa Tanauan, Batangas.

Nasa elementarya pa lamang ay sumasali na siya sa mga drawing contest. Hindi siya nanalo dahil sa kakulangan sa mga pambili ng materyales sa pagpi­pinta. Ginagamit niya lang na pangkulay ang mga dahon ng kung ano-ano gaya ng atsuete at mga bagay na nakikita lamang niya sa pali­gid. Kapos sila sa buhay dahil sa murang edad ay nagkasakit na ang kanyang ama at ‘di lumaon ay namatay.

At sa nangyaring pagputok ng Taal Volcano ay kaagad na nakaisip ng pa­raan si Janina kung papaano makabubuo ng isang obra o art gamit ang abo ng Bulkang Taal. Bukod sa paggamit ni Janina ng abo ng bulkan sa pagpipinta, iginuhit din nito ang ilang mga pangyayaring naganap sa Batangas.

Gumagamit ng iba’t ibang medium si Janina Sanico na siyang ginamit din ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal. Nagsimula ito sa pag-gamit ng kapeng barako, atsuete, luyang dilaw, blueternatea, uling at ngayon nga ay ang abo mula sa bulkan.

Sadyang talentado ang mga Pinoy, malikhain at masinop. Bagama’t nakapinsala  sa mga tao ang abo, napakinabangan din naman ito tulad ng pangkakaroon ng kabuhayan ng ilan nating kababayan.

Sa ibang lungsod tulad sa Biñan, Laguna, ginamit ang inipong abo ng bulkan at ginawang bricks. Maaari itong pakinabangan ng mga kababayan natin na nawalan ng tirahan dahil sa paglikas mula sa Taal. CYRILL QUILO

Comments are closed.