HINAHANGAAN ngayon sa kanilang barangay ang isang batang estudyante na gumagawa ng miniature motorcycle sa Brgy. Ligtong-I, Rosario, Cavite.
Si Kaizer Panganiban, alyas “Aki” ay sampung taong gulang pa lamang ngayon ay nakikitaan na ng kakaibang talento sa buhay.
Kumpara sa maraming mga bata na abala ngayon sa paglalaro ng computer games ay taliwas naman itong si Aki na tahimik na gumagawa ng kanyang obra sa isang sulok ng kanilang bahay.
Mula sa mga patapong mga kagamitan tulad ng empty bottles ng yakult, sirang wire ng charger, karton, sintra board at anu-ano pa na mayroon sa kanilang bahay na pwede niyang magamit ay nabubuo ni Aki ang isang de-kalidad na miniature motorcycle.
Tulad ng Honda Wave, Suzuki X4, Honda TMX, Fino, at Raider. Maging ang E-bike Nwow at Tricycle ay nagagawa nya rin.
May sukat na 50 milimetro hanggang 70 milimetro ang laki ng miniature motorcycle na likha ni Aki.
Inaabot umano si Aki ng kalahati hanggang isang oras bago niya matapos ang isang miniature motorcycle.
Detalyado na binubuo ang bawat piyesa hanggang magmukhang makatotohanan ito at mamangha sa kanyang gawa.
Suportado ng mga magulang ni Aki ang kinahihiligan ng kanilang anak. Dalangin nila na sana ay patuloy na maging mabuting tao si Aki hanggang sa kanyang pagtanda.
Si Aki ay bunso sa dalawang anak ng isang tricycle driver at kasalukuyang nag-aaral sa elementarya sa Ligtong ay nangangarap na maging Mechanical Engineer pagdating ng araw.
SID SAMANIEGO