ni Riza Zuniga
Sa loob ng mahigit 50 taong nagugol sa sining bilang pintor, ang isang sentro ng kanyang obrang hindi niya kayang iwanan ay ang simbahan.
Ang simbahan ng Barasoain sa Bilacan ang kauna-unahan niyang iginuhit at ito rin ang nagbigay daan para ipinta ang iba pang mga simbahan sa Pilipinas. Ang kanyang mga naipintang simbahan sa bansa ay naging disenyo ng selyo sa Pilipinas na nagpapaalala sa naging debosyon ng kanyang lola Elyang na humiling na pagalingin lang si Perez, siya ay mamamanata sa Patrong Sta. Elena.
Isa si Perez sa mga alagad ng sining na hindi natakot na magpinta ng iba’t ibang bagay at medium.
Si Perez ay isinilang sa panahong ang katapatan, busilak na puso at taimtim na pananampalataya sa Maykapal ang pamantayan ng mga alagad ng sining.
Ang kaibuturan ng puso para sa kaluwalhatian at kapayapaan ay mababakas sa bawat obra ni Perez. Natuklasan niyang ang mundong ginagalawan ang nagsilbing silid-aralan sa pagkatuto.
Kung kaya’t natuklasan niya ang kakayahan ng bawat alagad ng sining noong araw. Wala siyang sinayang na oras para matuto sa ibang mga tiningala sa lipunan na alagad ng sining. Kahit nagtapos ng Fine Arts sa University of Sto. Tomas, ang karagdagang natutunan sa ibang alagad ng sining ang nagbigay ng tiwala sa sarili bilang isang pintor.
Iniugnay ni Fr. Domingo Salonga, Parish Priest ng Barasoain Church na ang tunay na sikreto ni Perez ay ang Diyos, “ang pakikibahagi sa creative power of God.”
“Ang talento ay nagmula sa Panginoon, makita ang katotohanan,” pahayag ni Fr. Salonga sa mga dumalo sa solo exhibit ni Perez sa makasaysayang Barasoain Church noong nakaraang buwan.
Mula sa makatotohanang pagguhit hanggang abstract, patuloy na iniaalay ni Perez ang kanyang mga naipinta sa Panginoon.
Matutunghayan ang kanyang solo exhibit sa Barasoain Museum hanggang Marso 16, 2023.