Kakaibang medium sa pagpipinta ni Ramon Lopez
(ni Susan Cambri Abdullahi)
KUNG ang oil, acrylic, watercolor ang madalas gamiting medium ng mga pintor, kakaiba naman ang nakahiligan ng artist na si Ramon Lopez, 36-anyos, tubong San Jose, Nueva Ecija.
Ang kahirapan sa buhay ang dahilan kung bakit nagsikap si Lopez na pag-aralan ang pagpipinta gamit ang kalawang. Edad 7 nang magsimula nitong makahiligan ang pagpipinta at dahil hindi siya makabili ng oil o acrylic noon ay naisipan nitong mag-eksperimento gamit ang kalawang mula sa mga napupulot na bakal at kalawanging mga pako.
Pinagbasehan ni Ramon sa katatagan ng kalawang ay dahil sa hindi matanggal na mantsa nito sa damit.
“Naglalabada kasi ang nanay ko na si Adoracion Hizon at nakikita kong mahirap tanggalin sa damit ang kalawang kaya napaisip ako, kung matibay siya sa damit, magiging matibay rin siya sa canvas,” pahayag ni Lopez sa panayam ng PILIPINO Mirror.
Nagsimulang magpinta gamit ang kalawang si Lopez, na ang resulta ay kulay kahel na obra. Ang iba naman ay kulay itim.
Dito na nagsimulang makilala si Lopez dahil sa matiyagang paggamit ng kalawang sa pagpipinta.
Naging collector ng kanyang kalawang paintings ang namayapang dating senador Edgardo Angara. Naka-display na sa Artist Village sa Baler ang obra ni Lopez.
Medyo may kamahalan ang rust paintings dahil mahirap makakuha ng kalawang. Minsan ay nakukuha niya rin ito mula sa dinurog na mga kinalawang na lata.
Sinong mag-aakala na maaari palang gumawa ng obra sa pamamagitan ng kalawang? Salamat sa pagiging maparaan ni Lopez at nadiskubre niya ito.
Dahil medyo mahirap gawin ang kalawang painting ay medyo may kamahalan ito,
Sa paglipas ng panahon, na kaya nang bumili ni Lopez ng oil o acrylic bilang medium sa pagpipinta, hindi nagbabago ang tiwala nito sa kalawang, hindi ito magsasawa na magpinta gamit ang kalawang dahil dito siya nakilala at laging ito ang nagpapaalala sa kanyang kabataan at sa kanyang ina.
Nagkamit ng parangal si Lopez bilang 2nd price nationwide winner sa Bureau of Postharvest Research and Extension (BPRE) painting competition.
Napili bilang bayani sa 2013th Cobra Pinoy hero sa nationwide search ng Asia Brewery sa pamamagitan ng arts nito na naibabahagi sa mga bata nang libre.
PANG-BANDA RIN
Hindi lang ang pagpipinta ang nakahiligan ni Lopez, kapag nakararamdam ito ng stress ay nagbabanda ito. Siya ay kabilang sa miyembro ng rock band na Obra Rivals. Siya ang drummer rito habang ang mga kasamahan nitong sina James Malasaga ay bass, Jaypee de Guzman, rythm guitar, Benedict Villarba, lead guitarist, at si John Macadangdan ang lead singer.
Comments are closed.