CALOOCAN CITY – PATAY ang isang 28-anyos na construction worker na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga mtapos barilin sa ulo habang nagpapahinga sa bangketa sa lungsod na ito kahapon ng umaga.
Si Celso Ortega ng 203-13 Hernandez St., Brgy. Catmon, Malabon City ay hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo.
Patuloy namang pinaghahanap ng mga pulis ang suspek na nakilalang si Rodolfo Maniego, Jr. ng 29 Bisig ng Nayon, Brgy. 4, Caloocan City na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Sa nakarating na report kay Caloocan police chief P/Col. Noel Flores, alas-8 ng umaga, natutulog ang biktima sa bangketa sa Gen. San Miguel St., Brgy. 8 nang lapitan ito ng suspek na armado ng baril at malapitang binaril sa ulo.
Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni Brgy. 8 Chairman Honesto Gaton na ang biktima at ang suspek ay kilalang drug personalities at kabilang sa kanilang barangay drug watchlist.
Naniniwala si Gaton na may kaugnayan sa ilegal na droga ang motibo sa insidente dahil kapwa umano sangkot sa droga ang biktima at suspek.
Dinagdag pa niya na mula ng mag-deploy siya ng mga barangay tanod sa kahabaan ng Gen. San Miguel 24/7 ay lumapit ang mga drug suspect ng kanilang transaksiyon sa boundary ng Barangay 4. EVELYN GARCIA
Comments are closed.