MALABON CITY– PATAY ang isang 42-anyos na construction worker matapos bugbugin ng katrabaho makaraan ang mainitang pagtatalo habang nag-iinuman sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Danny Tumulag, tubong Purok Tubod, San Jose, Dipolog City.
Kinilala naman ni Malabon Police Chief P/Col. Jessie Tamayao ang mga suspek na sina alyas Jericho, 18, tubong Meycauayan, Bulacan, at alyas Nor, 19-anyos, tubong Rosario, Batangas na kapwa naaresto ng rumespondeng mga pulis sa follow up operation.
Pahayag ng saksing si Danjin Almodovar, 16, kina police investigators PCpl Joenel Claro, at PCpl Michael Oben, dakong alas-6:25 ng gabi, nag-iinuman ang biktima at mga suspek na pawang stay-in sa no. 7 Allan St., Gabriel Subd., Brgy. Hulong Duhat nang bigla na lamang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ni Tumulag at Baisa.
Para makaiwas sa sakitan, nagtungo na lamang ang biktima sa kanyang barracks, subalit sinundan ito ni Baisa at sinapak sa panga dahilan upang bumagsak sa simento si Tumulag. EVELYN GARCIA