OBRERO GINILITAN NG KAPITBAHAY

NALAGAY sa bingit ng kamatayan ang 39-anyos na obrero matapos siyang gilitan ng leeg ng lasing kapitbahay na may matagal na umanong nagkikimkim ng galit sa kanya Lunes ng hapon sa Malabon City.

Kung hindi naagapan ni Joel Robles, residente ng 86 Women’s Club St. Brgy. Hulong Duhat ang patalim na ginamit na panggilit sa kanyang leeg ng kapitbahay na si Ricky Boy Bernal, 37-anyos, pedicab driver at residente rin sa naturang lugar, malamang na pinaglalamayan na ang biktima ng kanyang mga kaanak.

Sa ulat nina SSgt. Jeric Tindugan at SSgt. Michael Oben kay Malabon police chief Col. Albert Barot, nakaupo at nagpapahinga sa isang upuan sa Talabahan St. Brgy. Hulong Duhat si Robles dakong alas-3 ng hapon nang mula sa kanyang likuran ay sumulpot ang lasing umanong suspek na armado ng patalim at tinangkang gilitan ang leeg ng biktima.

Bagaman bumaon na ng bahagya sa kanyang leeg ang patalim, nagawa pa rin ni Robles na makipambuno sa suspek na nakatawag pansin kina Jayson Ramos at Danny Espiritu, kapwa mga nagrorondang barangay tanod kaya’t mabilis na tumakas si Bernal.

Hinabol ng mga tanod si Bernal hanggang sa masukol at mabawi sa kanya ang ginamit na patalim na may bahid pa ng dugo habang isinugod naman sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima na nagtamo ng bahagya lamang na hiwa sa kanyang leeg.

Kasong Attempted Homicide and kinakaharap ngayong kaso ng suspek sa piskalya ng Malabon City. EVELYN GARCIA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *