VALENZUELA – NAWALAN ng malay ang isang 21-anyos na construction worker matapos gulpihin ng bouncer ng KTV bar makaraang makatalo ang isa sa guest relation officers (GROs) sa lungsod na ito kahapon ng madaling araw.
Patuloy na inoobserbahan sa Valenzuela Medical Center sanhi ng tinamong bugbog si Mark John Soberano habang isa sa mga suspek na nakilalang si Evander Bautista, 22, bouncer/waiter ay nadakip ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) at Station Investigation Unit (SIU) sa kanyang bahay sa Brgy. Malinta.
Sa report ni police investigator P/Cpl. Kenneth Pacheco kay Valenzuela police chief P/Col. Carlito Gaces, alas-3 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng isang restobar sa Malinta.
Lumabas sa imbestigasyon habang nasa loob ng KTV bar si Soberano at kanyang kasama na si Jeffrey Belicario, 37, ng Longos, Malabon City nang makatalo ng biktima ang isa sa mga GRO.
Nabaling ang atensiyon ng mga customer sa kaguluhan hanggang sa pagtulungang bugbugin ni Bautista at ilang hindi kilalang lalaki si Soberano habang tinangka namang umawat ni Pacheco subalit, umatras din ito sa takot na mabugbog.
Isinugod ni Pacheco ang walang malay na biktima sa naturang pagamutan habang sinampahan naman ng kasong frustrated murder si Bautista at ibang mga suspek sa Valenzuela Prosecutors Office. EVELYN GARCIA
Comments are closed.