CALOOCAN CITY– ARESTADO ang isang construction worker matapos pagpapaluin ng kahoy ang kanyang stepdaughter na halos ikinamatay nito nang sabihan ng biktima ang kanyang ina na palayasin sa kanilang bahay ang suspek sa lungsod.
Kinilala ang suspek na si Elmer Mahas, 57-anyos, na naaresto sa follow-up operation ng mga tauhan ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 5 sa Camarin Road, Brgy. 178, halos 10 oras ng muntik nitong mapatay si Jemeline Lozano, 25, canteen staff.
Sa report kay Caloocan Police Chief for Administration PLtCol. Ferdie Del Rosario, dakong alas-7:20 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima sa San Isidro Kiko, Brgy. 178.
Nabatid na paalis na si Lozano patungo sa kanyang trabaho nang makita nito ang kanyang stepfather sa loob ng kanilang bahay na naging dahilan upang komprontahin nito ang kanyang ina at sinabihan na palayasin ang suspek sa kanilang bahay.
Ikinagalit ito ng suspek saka kumuha ng piraso ng kahoy at pinagpapalo sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima habang sinasabihan ng “Papatayin na lang kita,” hanggang sa mawalan ng malay ang dalagita.
Mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksiyon habang isinugod naman ang biktima ng kanyang ina sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital kung saan ito patuloy na inoobserbahan.
Kasong attempted homicide ang isinampa ng pulisya kontra sa supek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. EVELYN GARCIA
Comments are closed.