CAMP AGUINALDO – NAALARMA ang Office of Civil Defense (OCD) sa lumolobong bilang ng mga nasasawi sa kagat ng killer mosquitoes na umaabot na sa 202 ang naitala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa inilabas na Situation Report No. 3 ng NDRRMC patungkol sa dengue alert sa limang rehiyon pa lamang sa bansa ay umabot na sa 202 ang bilang ng mga nasawi dahil sa sakit na dengue.
Habang nasa 38,804 na kaso ng dengue naman ang naitala ng NDRRMC, simula Enero 1 hanggang Hulyo 13 sa Regions IV, VI, VII, VIII at SOCCSKSARGEN.
Ayon sa NDRRMC, ang Region IV-A (Calabarzon) ay mayroong 13,032 dengue cases at 50 na ang nasawi.
Sa Region VI naman, pumalo na sa 15,813 ang kaso kung saan 90 ang nasawi.
Habang sa Region VII mayroong 9,594 na dengue cases at 62 ang patay.
Sa Region VIII mayroong 57 na kaso ng dengue at sa Soccsksargen ay mayroong 308 dengue cases.
Kamakailan ay nagdeklara na ng state of calamity sa Pontevedra at President Roxas sa Capiz gayundin sa Maasin, Iloilo dahil sa mabilis na pagdami ng kaso ng dengue.
Habang sa lalawigan ng Cavite ilang bayan ang pinag-aaralan na ilagay sa state of calamity bunsod ng dumaraming kaso ng Dengue. VERLIN RUIZ