OCHOA, CUSTODIO PINAPURIHAN NG SENADO; GO NANGAKO NG PATULOY NA SUPORTA SA PINOY ATHLETES

Jiu Jitsu

PERSONAL na pinapurihan ni Senador Christopher “Bong” Go, kasama ang kanyang mga kapwa senador, sina Margarita “Meggie” Ochoa at Kimberly Anne Custodio sa regular session ng Senado noong Lunes, January 23, para sa kanilang exemplary performance sa 2022 Jiu-Jitsu International Federation (JJIF) World Championships na idinaos sa Abu Dhabi, United Arab Emirates noong November ng nakaraang taon.

Si Custodio ay nag-uwi ng gold medal makaraang magwagi kontra Kacie Tan Pecharada ng Thailand sa women’s minus 45-kilogram category final. Samantala, nanalo rin si Ochoa ng gold matapos na gapiin si Ni Ni Vicky Hoang ng Canada sa women’s minus 48-kilogram category.

Si Go ay co-author ng Senate Resolution Nos. 268 at 277 na kapwa kumikilala sa tagumpay nina Custodio at Ochoa sa naturang kumpetisyon. Nakasaad sa mga resolution na ang kanilang tagumpay ay nagbigay ng “honor, pride, and glory” sa bansa.

Sinabi sa isa sa mga resolution na ang nasabing mga panalo ay magbibigay ng inspirasyon sa mas maraming professional at aspiring athletes para mag-excel sa international sporting arenas.

“Napakalaking karangalan po talaga sa ating bansa ang pagkapanalo ng ating mga jiu-jitsu champions na sina Meggie Ochoa at Kimberly Ann Custodio. Kabilang sila sa mga dahilan kung bakit patuloy akong nagsusulong ng mga batas at programa para mas mapalakas pa ang ating sports sector,” sabi ni Go, chairman ng Senate Committee on Sports.

“Sa dami ng ating panalo sa mga nakaraang sporting competitions, hindi po talaga natin mapagkakaila ang dedikasyon at kasipagan ng ating mga atletang Pilipino. Patunay din ito na kapag may sapat na suporta mula sa pamahalaan at sa taumbayan, kayang magtagumpay ng atletang Pinoy sa anumang larangan na kanilang naisin,” dagdag pa niya.

Samantala, iginiit ni Go ang pangangailangan para sa “more integrated and wide-ranging way to train Filipino athletes and promote grassroots sports development in the country.”

Dahil dito, patuloy na isinusulong ni Go ang pagsasabatas sa Senate Bill No. 423, o ang panukalang Philippine National Games Act of 2022, upang magkaroon ng istruktura para sa mas komprehensibong national sports program, na mag-uugnay sa grassroots sports promotion sa national sports development.

“Ipinaglaban ko rin po sa Senado ang panukalang batas na mag-institutionalize ng Philippine National Games na gaganapin po kada dalawang taon. Magsisilbi itong preparatory games para sa national and international competitions. Ibig sabihin, para po itong local Olympics po itong Philippine National Games… ang pangarap natin na maging sports powerhouse nag-umpisa riyan sa kompetisyong katulad nito,” dagdag pa ni Go.