OCHOA ITINANGGING MAY KINALAMAN SA PDEA OPS VS HIGH PROFILE PERSONALITIES

MARIING pinabulaanan ni dating Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. ang alegasyon na pinigilan niya umano ang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2012 laban sa high-profile personalities na sangkot sa illegal na droga.

Ang alegasyon laban kay Ochoa ay ginawa ni dating PDEA agent Jonathan Morales na umano’y pumirma sa pre-operational documents ng PDEA na may petsang Marso 11, 2012 na nag-leak.

Ipinag-utos umano ni Ochoa kay dating PDEA Deputy Director General Carlos Gadapan na itigil ang operasyon, batay sa naunang testimonya ni Morales sa Senate committee on public order and dangerous drugs.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite sa isyu, itinanggi ni Ochoa na kilala niya sina Gadapan at Morales.

Sumagot din ito ng “no” nang tanungin ng committee chairman na si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, kung nakita niya ang mga nag-leak na PDEA documents.

Sa alegasyon naman na inutusan niya sina Gadapan at ang PDEA na itigil ang operasyon laban kina Maricel Soriano at Pangulong Ferdinand Marcos Jr., muling inulit ni Ochoa na hindi niya kilala si Morales.

“As earlier mentioned, I don’t even know him, and I don’t recall any occasion that we have met or talked, so I completely deny that I have made those instructions as alleged,” sinabi ng dating Executive Secretary.

Si Soriano at Marcos ay nabanggit sa umano’y PDEA documents.

Samantala, tinanong din ni Dela Rosa si Ochoa tungkol sa umano’y meeting sa Malakanyang noong 2012, kung saan inimbitahan si Morales sa briefing sa mga operasyon ng PDEA, kabilang ang operasyon na ipinatigil.

“I can’t recall exactly if that indeed took place, but I only learned now when this hearing was conducted,” aniya.

“I was never informed of such a meeting and even after that meeting, there was no report submitted time in regard to what transpired in that meeting,” dagdag ni Ochoa.

Kinumpirma ni Ochoa na nakatrabaho rin niya si First Lady Liza Araneta Marcos sa law firm.

Ngunit sinabi rin nito na umalis din ito sa law firm matapos na maitalaga ng Malakanyang noong 2010 sa panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

“There were insinuations, ito naman ay insinuations lamang, na kaya daw nagkaroon ka ng interest na ipahinto yung operations because again, you were influenced by your partner in the law firm. Those are insinuations lang…” ani Dela Rosa.

“That’s not true,” sagot ni Ochoa.