OCTA RESEARCH SURVEY: 9% LANG NG CLASS A-B-C VOTERS ANG APRUB KAY LENI; 63% PABOR KAY BBM

PATULOY na nangunguna sa mga survey si Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., kasabay nito ay nakakuha rin siya ng pinakamataas na suporta sa Class A-B-C voters na aabot sa mahigit 60 porsiyento sa pinakahuling resulta ng survey ng OCTA Research.

Sa naturang survey na isinagawa nitong Disyembre 7-12 sa 1, 200 respondents, lumalabas na 63 percent mula sa Class A-B-C o ang mga botanteng negosyante at propesyunal, ang nagsabing iboboto si Marcos sa pagka-pangulo kung ngayon gagawin ang eleksiyon.

Malaki pa rin ang inilamang ni Marcos sa mga kalaban sa Class D kung saan nakakuha siya ng 55 percent habang 46 percent naman sa Class E bracket.

Malayong nasa pangalawa lamang si Francisco Domagoso na nakakuha ng 14 percent preference votes mula sa Class ABC habang si Leni Robredo ay mayroon lamang siyam na porsiyento; Manny Pacquiao, limang porsiyento; at Panfilo Lacson, dalawang porsiyento.

Sa Class D at E, maliban kay Marcos, lahat ng mga presidential aspirant ay hindi nakakuha ng mas mataas sa 25 porsiyento na preference votes.

Sa mga serye ng survey, lumalabas na si Marcos din ang paborito at patuloy na namamayagpag sa lahat ng socioeconomic classes.

Bukod sa mga survey, nakikita rin ang mainit na pagpapakita ng suporta kay Marcos at ang kanyang ka-tandem na si vice presidential aspirant Davao Mayor Sara Duterte sa mga isinasagawang UniTeam rides at motorcade sa iba’t ibang panig ng bansa.

Matatandaan na sa naturang survey ng OCTA Research lumalabas na 54 porsiyento ng mga botante sa buong bansa ang pabor kay Marcos.

Nanguna naman si Inday Sara sa vice presidential race na nakakuha ng 50 porsyento.

Ang survey ng OCTA Research ay nagkukumpirma rin sa iba pang mga survey na isinagawa ng SWS, Publicus, Kalye Survey, DZRH, RMN, at Pulse Asia, kung saan ang tambalan ng BBM-Sara UniTeam ang patuloy na tumataas at nangunguna.