OCTOBER DEADLINE NG BORACAY

DENR Undersecretary Jonas Leones

PIPILITIN ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na abutin ang kanilang October deadline sa reopening ng isla ng Boracay matapos itong isara sa publiko ng anim na buwan para isailalim sa rehabilitasyon.

Ayon kay DENR Undersecretary Jonas Leones, kahit magtatatlong buwan pa lamang ang rehabilitasyon ay maayos ang isinasagawa nilang aktibidad para sa isla, kabilang na ang paglilinis at easement sa beach front area.

Gumaganda na rin, aniya, ang status ng tubig sa dagat, kahit hindi pa masasabing naibalik na ang dating linis nito.

Samantala, bumisita kanina sina Special Assistant to the President Bong Go at Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa Boracay, kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang pumunta sa isla upang personal na makita ang development doon.

Balak din ng pamahalaan na maglunsad ng mga green infrastructure project sa Boracay bilang pagsunod sa pahayag ni Duterte na isasailalim nito ang buong isla sa land reform at ilalaan lamang ang application para sa tourism purposes.

Sa hiwalay na report, sinabi ni Duterte na personal siyang tutungo sa Boracay sa kalagitnaan ng isinasagawang rehabilitasyon upang matiyak na naipatutupad ang kanyang mga kautusan para sa isla.

Ani Duterte, mahalaga ang Boracay sa turismo ng bansa kaya dapat lamang na tutukan ito upang hindi na maulit ang pagpapasara rito.

Nagpahayag naman si Tourism Usec. Benito Bengzon Jr. na target ng gobyerno na i-rebrand ang Boracay kung saan plano nilang maglunsad ng mga green infrastructure project sa isla.

Batay sa datos mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines, nasa 3.7 milyong turista ang bumisita sa isla noong 2017 kahit pa naipasara ito sa kalagitnaan ng taon.  NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.