BUMABA ang inflation rate ng bansa sa 4.9% noong Oktubre sa kabila ng price hikes sa koryente at agricultural products, at pagtaas ng pasahe sa jeepney, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa datos ng PSA, ang inflation ay bumagal mula sa 6.1% na naiposte noong Setyembre.
Ang inflation rate noong Oktubre ay nasa labas ng 5.1% hanggang 5.9% forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa isang briefing, sinabi ni National Statistician Dennis Mapa na ang pagbaba ay dahil sa mas mabagal na year-on-year increase sa food and non-alcoholic beverages, at restaurant and accommodation services.
Ang food inflation ay bumaba rin noong nakaraang buwan sa 7.1% mula 10% noong Setyembre, sa likod ng vegetables at rice.
Gayunman, ang commodity groups na clothing and footwear; housing, water, electricity, gas and other fuels; at information and communication ay nagtala ng mas mataas na inflation.
Bumagal din ang Inflation rate sa Metro Manila at sa mga lugar sa labas ng capital region sa 4.9%.
Ang Central Luzon ang nagtala ng pinakamataas na inflation rate sa 6%, habang ang Cagayan Valley ang may pinakamababa sa 3.4%.
Ayon kay Mapa, 15 rehiyon sa labas ng Metro Manila ang nagtala ng mas mabagal na inflation noong nakaraang buwan.
“If we don’t see supply shocks, our view is inflation rate would go down,” sabi ni Mapa nang tanungin kung magpapatuloy ang paghupa ng inflation sa huling dalawang buwan ng 2023.
“But whether it will reach 2-4% (inflation target), we will have to see,” dagdag pa niya.
Aniya, bagama’t nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng gatas, dairy, at itlog, ang kanilang bigat sa food basket ay “hindi substantial.”
Sa jeepney fare hike, sinabi ni Mapa na napunan ito ng mas mabagal na paggalaw ng presyo sa iba pang transportation segments, tulad ng fuel, taxi at bus fares.