HINDI nga lang naman mga kababaihan ang nag-iisip ng swak na outfit sa panahon ngayon, gayundin ang mga kalalakihan. Fashionable man o hindi ang isang tao, importante pa rin ang pagbibihis ng maayos at akma sa lugar o event na pupuntahan.
Marami sa atin ang tamad magbihis. Laging dahilan, wala namang kailangang pormahan. Saka kung sa opisina lang din naman pupunta, basta’t malinis, puwede na.
Pero sa panahon ngayon, importante rin ang pagbibihis ng maayos. Hindi lang naman kasi galing ang tinitingnan ng marami kundi maging ang iyong kabuuan. At kung hindi ka maayos kung magbihis, kung minsan ay nilalayuan ka ng marami. Kung ma-ganda ka naman manamit, nilalapitan o kinagigiliwan ka naman ng marami.
Kaya naman, sa mga kalalakihan diyan, narito ang ilang mga outfit na puwede ninyong subukan ngayong Oktubre.
BROWN, PATOK NA KULAY SA KAHIT NA ANONG PANAHON
Kung mayroon nga namang isang kulay na kinahihiligan ng marami bukod sa itim at puti, iyan ang brown. Hindi nga naman ito nawawala sa kulay na kinahihiligan ng bawat kalalakihan. Maganda nga naman ang brown at hindi dumihin. Pero hindi rin naman nangangahulugang aalis ka ng bahay na iisa o brown ang kulay ng lahat ng suot mo. Puwede ka rin namang magdagdag ng ibang kulay para magkadating ang look mo.
Kung nakasuot ka ng khaki pants, puwede mo itong partneran ng blue na panloob. Puwede mo rin itong patungan ng jacket o coat na brown ang kulay. Puwede rin namang ibang kulay depende sa taste mo.
Magsuot lang din ng accessories gaya ng relo para sa mas magandang kabuuan. Kung hindi ka naman mahilig magsuot ng relo, puwede naman ang pagsusuot ng belt.
GRAFFITI GRAPHICS
Kung pipili nga naman ng outfit ang bawat isa sa atin, lalaki man o babae, lagi’t lagi nating iniisip na kakaiba ito o nakatatawag ng pansin. Halimbawa na lang kapag may dadaluhan tayong pagtitipon, pangit naman kung hindi tayo mag-iisip ng swak na damit o outfit.
Isa rin sa pantawag-pansin ay ang kasuotang may graffiti graphics. Sa kulay pa lang at kakaibang design, mapapalingon na sa iyo ang marami.
Kaya kung gusto mong mapansin, puwede itong subukan. Swak na swak ito sa mahihilig sa art.
BASEBALL CAPS
Kailan man ay hindi rin nawawala ang baseball caps sa kinahihiligan ng marami. Hindi lamang din lalaki ang nawiwiling mag-suot nito kundi maging kababaihan.
Puwede rin naman itong suotin kung mamasyal kasama ang mga kaibigan o kapamilya. Marami ring outfit na binabagayan nito kaya’t isa ito sa hindi nalalaos.
Swak din ito, mainit man o malamig ang panahon.
Sa pagpili naman ng baseball caps, piliin lang din ang mga simple at tamang-tama ang laki sa iyo.
SPORTSWEAR
Isa rin sa klase ng outfit na hindi naglalaos o naluluma ang sportswear. Komportable nga naman itong suotin. Madali lang din itong suotin. At dahil sobrang komportable ito at madaling suotin, mapapansin natin na marami na ang nahihilig dito, hindi lamang mga kalalakihan gayundin ang kababaihan.
Kaya ngayong Oktubre, isa ito sa puwede mong subukang outfit.
SCARVES
Isa pa sa hindi nawawala ang scarves. Mapababae man o lalaki, bagay na bagay itong pandagdag sa outfit. Perfect na perfect ito sa kahit na anong outfit at okasyon. Mainam din itong statement piece.
Kaya kung masyadong plain o walang dating ang outfit mo, maglagay ng scarves at tiyak na gaganda na ang look mo.
SLEEVELESS PUFFER JACKETS
Hindi lang naman kapag malamig ang panahon kaya tayo gumagamit ng jacket, kadalasan ay ginagawa natin itong pamporma. Kumbaga, nagsusuot tayo nito upang mamukod-tangi ang look ng isang tao.
Kung planong gumala sa gabi, swak na swak subukan ang puffer jackets. Bagay rin itong ternuhan ng casual jeans at simpleng t-shirt. Ang mga puffer jacket din ay matatawag na statement piece kaya’t dapat na mayroon nito ang kahit na sino.
SNEAKERS AT VERTICAL STRIPES
Kung ikaw naman ang klase ng lalaking mahilig sa sneakers, swak naman ipares dito ang vertical stripes. Nakatatangkad pa ang design na ito kaya’t kahit na sino ay puwede itong subukan. Isa rin ito sa design na laging patok at hindi nawawala sa uso.
SWEATER NA MUKHANG BLAZER
Isa pa sa kailangang subukan ang sweater na mukha o parang blazer ang design o hitsura.
Mahirap nga naman kung lagi kang nakasuot ng blazer. Kaya naman, isa sa magandang ideya ay ang pagbili ng mga sweater na ang hitsura nito ay hindi mailalayo sa blazer. Kahit sa anong okasyon din ay swak na swak ito. Perfect din ito sa kahit na anong outfit.
SEVENTIES LOOK
Hindi rin naman nawawala ang mga seventies look. Maganda rin kasi ang mga ito at talaga namang gugustuhin mong magsuot nito. Isa rin ang vintage look sa puwedeng subukan ng kahit na sino ngayong Oktubre. Siyempre, pumili ka lang din ng outfit na babagay sa iyo.
Kakaiba rin naman kasi sa pakiramdam kung maayos ang damit mo at swak sa lugar na iyong pupuntahan dahil hindi ka mahihiyang makisalamuha o makipagsabayan.
Pero sa pagpili ng kahit na anong outfit, bukod sa maganda ito ay kailangang komportable ka rin sa pagsusuot nito. Dapat din ay may tiwala ka sa iyong sarili. CT SARIGUMBA
Comments are closed.