‘ODETTE’-AFFECTED NAT’L TEAM MEMBERS AAYUDAHAN NG PSC

William Ramirez

INAPRUBAHAN ng Philippine Sports Commission (PSC) board ang pagkakaloob ng tig-P15,000 cash assistance sa  85 atleta at 20 coach mula sa 24 sports na naapektuhan ng bagyong Odette upang matulungan silang makapagsimulang bumangon mula sa pinsalang dulot ng bagyo.

Mahigpit na binabantayan ni PSC Chairman William Ramirez ang sitwasyon magmula noong weekend, kung saan nagpasimula siya ng relief operation para makapagpadala ng 10,000 bottled water at 900 units ng mattresses.

Nakipagpartner ang Special Services Office ng Armed Forces of the Philippines, na siya ring nangangasiwa sa detailed service military-athletes ng bansa, sa PSC upang masiguro na ang mga goods at packages ay makararating sa mga dapat pagbigyan.

Inaprubahan din ng PSC board ang P50,000 financial aid para sa rehabilitasyon ng weightlifting gym sa Bohol.

“My heart breaks for them.  Na-pandemic na binagyo pa,” sabi ni Ramirez.  Gayunman, sinabi rin niya na sa mga panahong ito higit na nakikita ang katapangan ng mga atleta.

“They are trained to overcome, to survive and to win.  They might be sad for a while but the champions in them will prod them to rise up and help themselves and those around them so that together they can get through this,” dagdag ng sports chief. CLYDE MARIANO