‘ODETTE’ VICTIMS NAGPSALAMAT SA TULONG

SURIGAO CITY-LABIS ang pasasalamat ng mga residente sa tabing-dagat na Barangay Day-asan sa lungsod na ito sa tulong na kanilang natanggap matapos maperhuwisyo ng ang kanilang kabuhayan gaya ng pagkuha ng seafood na isinu-supply sa maraming lugar.

Isa sa mga nasalanta si Issa Clor, na kasama ang kaniyang pamilya ay nakikitira ngayon sa kapitbahay dahil tinangay ng bagyo ang kanilang buong bahay.

Pilit binubuo ulit ng mister ni Clor ang kanilang tahanan kaya hindi pa rin ito makabalik sa pangingisda.

Sa evacuation center naman nananatili si Aurora Laid matapos wasakin ng bagyo ang bahay.

Ayon kay Laid, bukod sa hindi niya alam kung saan kukuhanin ang mga materyales para maitayo muli ang bahay, inaalala rin niya ang kaniyang mga apo na may ubo at sipon.

Ayon sa barangay chairperson na si Ruben Catarman, maging ang mga alagang lobster na kabuhayan ng mga residente ay inanod ng malakas na alon noong kasagsagan ng Odette.

Wala rin silang mapagkuhanan ng malinis na tubig kaya panawagan niya’y mabigyan sila ng ayuda habang sinisikap nilang makabawi.