ODO CARANDANG INALIS SA PUWESTO

Ombudsman Melchor Arthur Carandang

SINIBAK ngayong araw ng Malakanyang si Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at betrayal of public trust.

“He is thus penalized with dismissal from the service which carries with it cancellation of eligibility, perpetual disqualification from holding public office, bar from taking civil service examinations and forfeiture of retirement benefits” ang sabi pa sa desisyon na pinir­mahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

Magugunita na sinuspende ng Malakanyang si Carandang noong Enero dahil sa paglabag nito sa confidentiality  makaraang magbigay ng pahayag na lumabas naman sa balita sa telebisyon tungkol sa umano’y tagong yaman ni Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang pamilya.

Dalawang kasong administratibo ang inihain sa Office of the President (OP) ng mga abogadong sina Manuelino Luna, Eligio Mallari, Jacinto Paras at Glenn Chong kaugnay sa lumabas na news report sa ABS-CBN kaugnay sa tagong yaman ng pamilya Duterte.

Lumilitaw na ang source sa nasabing report ay si Carandang makaraang pumayag siyang ma-interview at sabihing may mga ebidensiyang nakalap ang Office of the Ombudsman sa umano’y tagong yaman ng pamilya Duterte na kinabibilangan ng  bank transactions mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Pinabulaanan naman ng AMLC na sa kanila  nanggaling ang mga sinasabing ebidensiya ni Carandang.

Samantala, ang mga kaso laban kina Deputy Ombudsman for Mindanao Rodolfo Elman at iba pang miyembro ng OMB-Min­danao Fact Finding Investigation Team ay ibinasura ng OP.    EVELYN QUIROZ

Comments are closed.