ODOM NASA PINAS, LALARO PARA SA MIGHTY SPORTS

Lamar Odom

NASA bansa si NBA legend Lamar Odom upang samahan ang Mighty Sports sa  Dubai International Basketball Tournament simula sa Pebrero 1.

“I’m happy to be here in Manila,” pahayag ni Odom sa isang press conference sa Solaire Theater Cafe sa ­Parañaque kahapon.

Si Odom, isang two-time NBA champ sa Los Angeles Lakers at one-time champ  bilang bahagi ng United States national team, ay nagbabalik sa hardcourt matapos ang limang taong hindi pagiging aktibo.

“It means a lot to me to restart my basketball career,” anang 39-anyos na beterano.

Makakasama ni Odom sina Justin Brownlee at Randolph Morris bilang  foreign reinforcement para sa Mighty Sports, na palalakasin ng pinag-samang collegiate at professional stars.

Samantala, aminado si Mighty Sports head coach Charles Tiu na wala pa sa porma si Odom.

Matapos ang ikalawang ensayo ni Odom sa koponan noong Huwebes, sinabi ni Tiu na ang ex-Los Angeles Laker ay “sinisikap pang hanapin ang kanyang rhythm.”

“Let’s be realistic, he hasn’t played basketball in a real team setup in what? About 5 years?” paliwanag ni Tiu.

Si Odom ay huling naglaro sa NBA  noong 2014 para sa  New York Knicks.

Comments are closed.