MASARAP ang magtrabaho lalo na kung maganda at maayos ang lugar na ating pinagtatrabahuan. Gayunpaman, sa kaabalahan natin, kung minsan ay hindi na natin nagagawa pang mag-ayos at maglinis ng ating workspace.
Kapag magulo pa naman ang isang lugar, kinatatamaran natin ang gumalaw-galaw. Bukod pa roon, maaari ring maapektuhan ang ating pagiging produktibo.
Kaya naman, kung isa ka sa empleyado halos araw-araw na nasa opisina at nag-aasam na maging produktibo sa kabila ng mainit na panahon, narito ang ilang office decorating tips na simple lang gawin:
MAGING ORGANISADO
Unang-una talagang dapat nating matutunan ay ang pagiging organisado—sa opisina man iyan o tahanan. Oo nga’t maaaring idahilan natin ang kaliwa’t kanang gawain sa opisina kaya’t mismong ang lamesa natin o table ay hindi na natin nagagawang ayusin o linisin.
Oo nga’t kung mag-iisip tayo ng dahilan, marami talaga tayong maidadahilan. Gayunpaman, gaano ka man kaabala ay nararapat lang na pagtuunan natin ng pansin ang lugar na ating ginagalawan o pinagtatrabahuan.
Halimbawa na lang kapag mainit ang panahon, kung stress ka na sa biyahe pa lang, siguradong kapag nakita mong magulo ang iyong lamesa ay mawawalan ka ng ganang magtrabaho o lalo kang tatamarin.
Kaya para maiwasang tamarin sa mga gagawin, ugaliin o panatilihing organisado ang mga gamit. Kapag kinuha rin ito ay ibalik sa pinaglalagyan nang hindi maging dahilan ng kalat.
MAGLAGAY NG BULAKLAK SA LAMESA
Nakabubuhay nga naman ang paglalagay ng bulaklak sa table lalo na kung makulay ito at fresh. Kung may bulaklak ka rin o halaman sa iyong lamesa, mas gaganahan kang magtrabaho.
Tandaan lang na nangangailangan ng regular maintenance ang fresh flowers. Pero kung ikaw naman ang tipong walang panahong mag-alaga ng hal-aman o bulaklak, puwede namang option ang mga artificial na halaman o bulaklak. O kaya naman, humanap ka ng halaman o bulaklak na hindi gaanong nangangailangan ng sobrang atensiyon. Kumbaga, nabubuhay kahit na minsan lang ilabas sa arawan at diligan.
Puwede ka rin namang gumawa ng tissue paper flowers na iba’t iba ang kulay. Hindi ka na nga naman gagastos at napaganda mo pa ang iyong opisina.
MAGING ARTISTIC
Lahat naman tayo ay mayroong artistic side. Kaya naman, ilabas na ang tinatagong galing at pagiging artistic nang mapaganda o maging maalwan sa paningin ang iyong opisina o kahit lamesa lang.
Puwede ka ring magdekorasyon ng mga bagay na nagpapakita ng hilig mo at kakayahan. Halimbawa na lang ay mahilig ka sa libro, maaari mo itong magamit na pandekorasyon o pampaganda sa iyong opisina.
Bukod sa napaganda pa ang iyong opisina sa paglalagay ng libro, may magagamit ka rin sa mga panahong kailangan mong magbasa o nais mong magbasa. Puwede ka rin namang magsabit ng mga painting o picture na gusto mo.
GAMITIN ANG KULAY NA GUSTO MO
May mga paborito tayong kulay. At ang kulay na iyan ay mainam ding gawin upang mapaganda ang ating workspace.
Mas maganda rin kasi kung gusto mong kulay ang gagamitin mo sa pagpapaganda ng iyong opisina at hindi iyong kung ano ang trendy o uso.
Puwede mong gamitin ang mga paborito mong kulay, halimbawa na lang sa paglalagay ng wallpaper. O kaya naman, sa pagpili ng mga kulay ng or-ganizers o lalagyan ng mga office stuff.
BEACH IN A JAR
Sa ngayon ay napakarami nang paraan upang maramdaman ang summer.
Kung ikaw iyong tipo ng empleyadong hindi makaalis ng opisina dahil sa kaliwa’t kanang gawain, puwede mo pa ring maramdaman ang summer sa pamamagitan ng dekorasyon.
At isa sa dekorasyong iyan ay ang paggawa ng beach in a jar. Simple lang itong gawin, kakailanganin mo lang ng mason jar, at mga bagay na nakikita sa beach gaya ng sand o buhangin, starfish, mermaid at mga paborito mong beach memorabilia. Lagyan lang ito ng tubig at may instant beach in a jar ka na sa iyong workspace.
COLORFUL THROW PILLOW
Para rin maging relax tayo sa pagtatrabaho, mainam din ang paglalagay ng throw pillow sa upuan. Para rin maramdaman ang summer, mainam kung makukulay ang gagamitin.
May panahon nga namang matagal tayong nakaupo at nakaharap sa computer. At para ma-relax ang likod, maganda kung may unan tayong si-nasandalan.
Kaya, magdala na ng throw pillow. Puwedeng florals o kaya naman printed. Swak din naman kapag summer ang animal prints at mixed prints.
Matagal nang uso ang mixed prints, hindi lamang sa outfit kundi sa pagdedekorasyon ng tahanan o opisina.
Sa pagdedekorasyon ng ating opisina o kahit na anong kuwarto sa bahay, importanteng naisasaalang-alang natin ang ating kagustuhan. Hindi kailangang dahil uso ang isang dekorasyon o decor ay gagawin o gagayahin na natin.
Dapat ay malapit sa puso ang ating gagawin nang mas lalo nating maramdaman ang ganda ng ating ginawang dekorasyon at maging produktibo tayo.
Comments are closed.