INIHAYAG ni dating Special Assistant to the President (SAP) Sec. Bong Go na bukas ang kanyang opisina sa loob ng 24 na oras para pagsilbihan ang mga mahihirap na mamamayan sa bansa.
Sinabi ni Go, sa oras na siya ay bigyan ng pagkakataon na manalo sa darating na halalan ay hindi lamang ang paggawa ng mga batas ang kanyang aatupagin, maging ang pagtulong sa mga kapus-palad ay kanyang prayoridad.
Ayon kay Go, nasanay na siya at natuto kay Pangulong Rodrigo Duterte na hinaharap niya ang mga mahihirap araw-araw mula noong alkalde pa lamang ang Pangulo.
Paliwanag ni Go, masasabi niyang kulang o hindi kumpleto ang kanyang araw, kapag walang lumapit na mahirap sa kanya para humingi ng tulong, tulad ng pambili ng gamot, bigas at iba pang importanteng pangangailangan.
Aniya, ang pagtulong sa kapwa ay walang pinipiling oras at lugar, basta’t may pagkakataon at mayroon namang pangtulong ay agad siyang tutugon.
Inihayag ni Go na walang kahulilip na saya ang kanyang nadarama kapag nakatulong sa mga ‘less fortunate’ na mamamayan.
Kasabay nito, nanawagan si Go sa mga kaibigan nila ng Pangulo at supporters na medyo nakaaangat sa buhay na tumulong sa mga naging biktima ng lindol noong Lunes.
Pakiusap ni Bong Go, kung gusto siyang tulungan sa kanyang kampanya ay itulong na lang nila roon sa mga residente na nasira ang bahay para makabili ng semento, pako, plywood at yero upang muling maitayo ang mga nasira nilang tahanan.
Comments are closed.