BILANG ikalawang pinakamataas na opisyal na bansa, marapat lamang na magkaroon ng maayos at permanenteng official residence ang Vice President kung saan maaari siyang tumanggap ng kanyang mga bisita mula sa hanay ng kapwa niya public servants, foreign dignitaries at maging ordinaryong Filipino na dudulog para humingi ng tulong at iba pa.
Sa House Bill no. 2698 na inihain ni Kusug Tausug party-list Rep, Shernee Tan-Tambut, sinabi niiyang itinatakda sa Article VII ng Saligang Batas ang pagkakaroon ng official residence para sa Punong Ehekutibo subalit walang kaukulang batas para bigyan o magkaroon ng opisyal na tanggapan ang Bise-Presidente.
Kaya naman sa nakalipas na mga panahon ang mga naluklok na ‘second highest official’ ng bansa ay nag-opisina sa Coconut Palace, sa Tahanang Maharlika o kaya’y sa Quezon City Reception House.
Upang masolusyunan ito, iginiit ni Tan-Tambut na magkaroon ng permanenteng official residence ang pangalawang pangulo ng bansa, na makatutulong pa gobyerno dahil makakatipid ito sa upa at iba pang gastusin.
Ayon sa Kusug-Tausug lady party-list solon, kapag ganap na naging batas ang HB 2698, binibigyan nito ng kapangyarihan ang Office of the Vice President (OVP) na bumuo ng isang Technical Working Group o TWG, na siyang tutukoy sa lokasyon ng permanenteng official residence, gagawa ng kaukulang plano, disenyo at tutukoy kung magkano ang magagastos sa konstruksyon at iba pa.
Dagdag pa ni Tan-Tambut, ang pagtatayo ng official residence ng VP ay kailangang makumpleto sa loob ng anim na buwan kung saan ang badget para sa implementasyon ng batas ay isasama sa alokasyon ng OVP. ROMER R. BUTUYAN