WALA pang pinal na desisyon si reigning NCAA Most Valuable Player Calvin Oftana hinggil sa paglahok niya sa PBA Rookie Draft.
Bagaman kuwalipikado na siya na pumasok sa draft, sinabi ni Oftana na hindi pa siya nakakapagdesisyon.
“Wala pa, kasi iniisip ko pa kung magpapa-draft ba ako,” sabi ni Oftana.
Kapag nagpasiyang lumahok sa draft, ang 25-anyos na si Oftana ay inaasahang maagang makukuha.
Si Oftana ay galing sa matagumpay na season para sa San Beda University kung saan nagtala siya ng average na 15.5 points, 8.2 rebounds, 2.5 assists, at 1.1 blocks per game, at pinangunahan ang koponan sa unbeaten elimination round record.
Nakalasap sila ng kabiguan sa NCAA finals nang talunin ng Colegio de San Juan de Letran, subalit ipinakita ni Oftana na maaasahan din siya sa international stage nang maglaro para sa Gilas Pilipinas sa November 2020 window ng FIBA Asia Cup qualifiers.
Doon ay kumamada siya ng 9 points, 4 rebounds, at 4 assists sa 93-69 pagbasura ng Filipinas sa Thailand.
Subalit minaliit ng San Beda player ang kanyang tsansa na mapili.
“Ang lalim kaya ng drafting ngayon,” ani Oftana na may isang season pa ng eligibility para sa Red Lions.
Ang deadline para sa draft applicants ay sa January 27 habang ang PBA Rookie Draft ay nakatakda sa March 14.
Comments are closed.