TAONG 2006 nang makipagsapalaran sa Vienna Austria ang Caviteñong si Elmer Caringal Blanco bilang helper sa isang Bar and Restaurant.
Si Elmer, 54 taong gulang, tubong Brgy. Capipiza, Tanza Cavite.
Mahusay makipagkapwa-tao si Elmer. Sa kanyang pananatili sa Vienna Austria, pinagbuklod niya ang mga migranteng Pilipino.
Taong 2018 ay itinatag niya ang Global Save Life Foundation. Na ang hangarin ay makatulong sa kapwa Pilipino higit sa mga batang may sakit na leukemia.
Mayroon itong 50 kataong miyembro na kasalukuyang naninirahan sa Austria habang 25 katao naman ang miyembro sa Pilipinas.
Aktibo ang Global Save Life Foundation sa pagsasagawa ng Medical Mission at Outreach Program sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Isang bata mula sa Brgy. Bucal, Tanza, Cavite na may sakit na leukemia ang una niyang tinulungan. Mula noon ay nagtuloy-tuloy na ang pagtulong niya sa mga batang may sakit na leukemia.
“Masaya ako at ang aking grupo na makatulong sa ating mga kababayan. Hindi maikukubli ang simpleng ngiti sa aming mga labi sa tuwing may napapasaya kaming mga kababayan natin. Kaya habang nabubuhay ako, at ang grupo ay mananatiling magiging adbokasiya namin ang tumulong sa mga batang may sakit na leukemia,” madamdaming paglalahad ni Blanco.
1Si Elmer ay naging pangulo rin ng Samahan ng Caviteño sa Austria noong 2011 at presidente ng Council Filipino Associations in Austria noong 2015. SID SAMANIEGO