BUMAGSAK ang cash remittances mula sa overseas Filipinos sa 11-month low noong Abril matapos ang seasonal increase na naitala noong Marso.
Sa datos na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Lunes, ang cash remittances o money transfers sa pamamagitan ng mga bangko o formal channels ay nasa $2.562 billion noong Abril, ang pinakamababa sa loob ng 11 buwan o magmula noong Mayo 2023 nang maitala ang $2.494 billion.
Ang cash remittances noong Abril ay mas mababa kumpara sa $2.738 billion na naitala noong Marso, subalit mas mataas sa $2.485 billion noong April 2023.
Samantala, ang personal remittances — ang kabuuan ng transfers na ipinadala sa cash o in-kind via informal channels — ay naitala sa $2.859 billion, mas mababa kumpara sa $3.051 billion noong Marso, ngunit mas mataas kaysa $2.773 billion noong April 2023.
Year-to-date, ang cash remittances ay lumago ng 2.8% sa $10.782 billion, habang ang personal remittances ay tumaas ng 2.8% sa $12.010 billion.
“The growth in cash remittances from the United States, Saudi Arabia, and Singapore contributed mainly to the increase in remittances in the first four months of 2024,” pahayag ng BSP sa isang statement.
Ang United States ang bumubuo sa 41.1% ng remittances sa unang apat na buwan, habang ang Singapore ay may 7.0%; Saudi Arabia, 6.0%; Japan, 5.1%; United Kingdom, 4.5%; United Arab Emirates, 4.2%; Canada, 3.2%; Qatar, 2.8%; at South Korea at Taiwan na may tig-2.7% . Ang iba pang mga bansa ang bumubuo sa nalalabing 20.6%.
LIZA SORIANO