OFW CASH REMITTANCES BUMABA($2.72-B noong Agosto)

BUMAGSAK ang remittances mula sa overseas Filipinos sa three-month low noong Agosto, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng BSP, ang cash remittances o ang perang ipinadala sa mga bangko ay nasa $2.721 billion, ang pinakamababa magmula nang maitala ang $2.425 billion noong Mayo.

Mas mababa ito kumpara sa $2.917 billion noong Hulyo, ngunit mas mataas sa 2.609 billion noong August 2021.

Mula Enero hanggang Agosto, ang cash remittances ay umabot sa $20.99 billion, mas mataas ng 3 percent kumpara sa $20.38 billion sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.

“The expansion in cash remittances in August 2022 was due to the growth in receipts from land-based and sea-based workers,” ayon sa central bank.

Ang United States, Saudi Arabia, Singapore at Qatar ang pinakamalaking contributor sa cash remittances sa unang 8 buwan ng taon.

Samantala, ang personal remittances — ang kabuuan ng transfers na ipinadala in cash o in-kind via informal channels — ay naitala sa $3.017 billion, ang pinakamababa rin sa loob ng tatlong buwan magmula sa $2.705 billion noong Mayo.

Kumpara ito sa $3.240 billion noong Hulyo, at sa $2.889 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.

Sa datos ng BSP, ang personal remittances sa unang walong buwan ng taon ay umabot sa $23.3 billion, mas mataas ng 3 percent kumpara sa $22.67 billion sa kaparehong panahon noong 2021.