TUMAAS ang cash remittances ng Filipino migrant workers ng 12.7 per-cent noong Abril mula sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ito na ang pinakamabilis na monthly remittance growth sa loob ng 17 buwan o magmula noong Nobyembre 2016.
Ang pagsipa ng remittances ay kabaligtaran ng 9.8 percent contraction noong Marso 2018, at nagpasok ng kabuuang $2.35 billion cash sa bansa sa naturang buwan.
Ayon kay ING Bank Manila senior economist Joey Cuyegkeng, ang pagsipa ng remittances ay isang ‘magandang sorpresa’, subalit hindi, aniya, ito sapat para mapunan ang trade deficit ng bansa dahil sa tumataas na imports.
Sa datos mula sa BSP, kapwa tumaas ang remittances mula sa land-based at sea-based Filipino workers sa nasabing buwan.
Ang padalang pera ng land-based OFWs ay lumobo ng 15.1 percent sa $1.8 billion noong Abril habang ang sea-based workers ay nagtala ng 4.8 porsiyentong pagtaas para mag-ambag ng $500 million.
Ang primary contributors sa pagbuhos ng remittances noong Abril ay ang United States, na may 4.2 percentage points contribution sa 12.7 aggregated growth, Canada na may 1.9 percentage points at Singapore.
Ang pagsipa ng cash remittances noong Abril 2018 ay nagdala ng total cash remittances sa unang apat na buwan ng taon na $9.4 billion, mas mataas ng 3.5 percent sa kahalintulad na four-month period noong nakaraang taon.
Malaking bahagi ng cash remittances sa nabanggit na panahon ay nagmula sa US, Saudi Arabia, United Arab Emirates (UAE), Japan, Singapore, United Kingdom, Canada, Germany, Qatar at Kuwait. Ang pinagsamang remittances mula sa nasabing mga bansa ay bumubuo sa halos 80 percent ng total cash remittances. BIANCA CUARESMA
Comments are closed.