PUMALO sa $2.8 billion ang cash remittances mula sa overseas Filipinos noong Agosto 2023, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Mas mataas ito ng 2.7 percent kumpara sa $2.72 billion na naiposte sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa isang statement, sinabi ng BSP na ang pagtaas sa cash remittances ay dahil sa paglago sa receipts ng land- and sea-based workers.
Sa datos ng central bank, sa unang 8 buwan ng taon, ang cash remittances ay umabot sa $21.58 billion, tumaas ng 2.8 percent.
Nag-ambag sa pagtaas sa unang walong buwan ng taon ang paglobo ng cash remittances mula sa US, Saudi Arabia at Singapore.
Pagdating sa country sources, ang US ang nagtala ng pinakamalaking share ng overall remittances, sumusunod ang Singapore at Saudi Arabia.
Samantala, pumalo ang personal remittances sa $3.1 billion noong Agosto 2023, tumaas ng 2.8 percent mula sa $3.02 billion na naitala sa kaparehong buwan noong 2022.
Sa unang walong buwan ng 2023, ang personal remittances ay tumaas ng 2.9 percent sa $24.01 billion, mula sa $23.34 billion sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.