SUMIRIT ang remittances mula sa overseas Filipinos sa ikatlong sunod na buwan noong Hulyo sa pinakamataas na lebel sa loob ng pitong buwan, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa datos ng BSP, ang cash remittances o money transfers sa pamamagitan ng mga bangko o formal channels ay nasa $3.085 billion noong Hulyo, tumaas ng 3.1% mula $2.992 billion sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, at mas mataas sa $2.882 billion noong Hunyo. Ito rin ang pinakamataas magmula noong December 2023 na may $3.280 billion.
“The increase in personal remittances in July 2024 was due to higher remittances from land-based workers with work contracts of one year or more and sea- and land-based workers with work contracts of less than one year,” pahayag ng BSP.
Ang remittances mula sa land-based workers ay tumaas ng 3.6% sa $2.52 billion, habang ang mula sa sea-based workers ay sumirit ng 0.9% sa $0.57 million.
Year-to-date. ang cash remittances ay nasa $19.332 billion, tumaas ng 2.9% mula $18.765 billion sa unang pitong buwan ng 2023.
“The growth in cash remittances from the United States, Saudi Arabia, and United Arab Emirates contributed mainly to the increase in remittances in January-July 2024,” ayon pa sa BSP.
Tumaas din ang personal remittances — ang kabuuan ng padalang cash o in-kind via informal channels — ng 3.2% sa $3.428 billion noong Hulyo, mula $3.321 billion sa kaparehong buwan noong 2023. Mas mataas din ito sa $3.210 billion noong Hunyo.
“The expansion in cash remittances in July 2024 was due to the growth in receipts from land- and sea-based workers,” paliwanag ng central bank.
Year-to-date, ang personal remittances ay nasa $21.532 billion o mas mataas ng 3.0% kumpara sa $20.911 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang United States ang bumubuo sa 41.1% ng remittances, habang ang Singapore ay may 6.9%; Saudi Arabia, 6.0%; Japan, 5.0%; United Kingdom, 4.9%, United Arab Emirates, 4.2%; Canada, 3.5%; Qatar, 2.8%; Taiwan, 2.7%; at South Korea, 2.7%.