OFW DINUKOT SA LEBANON

KILLED-1

ISABELA – NAGDALAMHATI ang ­buong pamilya at lahat ng mga kamag-anak sa San Mateo matapos na makara­ting sa kanilang kaalaman na isang overseas Filipino worker (OFW) ang dinukot at walang awang pinatay ng mga hindi pa nakikila­lang suspek sa bansang Lebanon.

Nakilala ang biktima na si Jaeco Sion, 32, chief cook sa isang restaurant sa Lebanon at re­sidente sa Barangay Mapuroc at sampung taon ng nagtatrabaho sa nasabing bansa.

Ayon sa ina ng biktima na si Gng. Dely Sion, napansin umano ng isa pa niyang anak at kamag-anak na nagtatrabaho rin sa bansang Lebanon, na ilang araw na umanong hindi pumapasok sa pinaglilingkurang restaurant si Jaeco.

Sa kanilang pagdulog sa himpilan ng pulisya ay nabanggit sa kanila na may isang Filipino ang nasa morgue ng isang ospital, na may fracture sa ulo na naging sanhi ng kanyang kamatayan, at nakilala nilang si Jaeco nga ang nasa freezer ng morge ng ospital.

Sa imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing bansa lumalabas na si Jaeco ay namasyal at nag-disco umano kasama ang kanyang nobya na isa ring Filipina noong gabi ng ­Biyernes, Marso 15.

Habang papalabas na umano ang dalawa ay may mga kalalakihang kumuha kay Jaeco at isinakay sa isang kotse, na pinaniniwalaang dumukot sa biktima at may kinalaman sa pagpatay rito.

Ang nobya ni Jaeco sa kasalukuyan ay hindi na nakita, kaya may hinala ang mga awtoridad na may kinalaman siya sa krimen na maaring motibo ay selos bukod sa kanya ay may iba pa umanong nobya ang biktima.

Nagpatulong na ang pamilya Sion sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Santiago City para mai­uwi sa San Mateo ang bangkay ni Jaeco.               IRENE GONZALES

Comments are closed.